Home NATIONWIDE Visayas grid muling isinailalim sa yellow alert

Visayas grid muling isinailalim sa yellow alert

4
0

MANILA, Philippines – Ipinahayag ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na muling ilalagay sa yellow alert ang Visayas grid sa loob ng tatlong oras, mula 5 p.m. hanggang 8 p.m. ngayong Martes, Hunyo 9, dahil sa patuloy na kakulangan ng suplay ng kuryente at mataas na inaasahang demand.

Ayon sa NGCP, ang yellow alert ay nangangahulugang hindi sapat ang operating margin upang matugunan ang contingency requirement ng transmission grid.

Ang available capacity ay nasa 2,644 megawatts (MW) habang ang peak demand ay inaasahang aabot sa 2,457 MW, ngunit may 890.3 MW pa rin na hindi magagamit sa grid.

Ipinunto ng NGCP na ang alerto ay dahil sa mas mataas na demand forecast at patuloy na forced outages ng ilang coal power plants, kabilang ang Therma Visayas Inc. (TVI) Unit 1 na offline mula Mayo 12, 2026, TVI Unit 2 mula Marso 24, 2026, at Panay Energy Development Corp. (PEDC) Unit 2 mula Mayo 6, 2026.

Ayon sa ulat, anim na planta ang kasalukuyang naka-forced outage, habang walo ang hindi pa rin gumagana mula Mayo, at ang iba ay matagal nang hindi operational mula 2021 hanggang 2025. May 12 pang planta na tumatakbo sa derated capacities.

Inatasan na ni Energy Secretary Sharon Garin noong nakaraang buwan ang agarang pagpapaandar muli ng tatlong power plants at ang pagsasagawa ng inspeksyon ng Department of Energy (DOE) Visayas Field Office upang matiyak ang ligtas at mabilis na pagbabalik-operasyon ng mga ito.

Ayon sa DOE, bagama’t walang direktang ugnayan ang yellow at red alert sa pagtaas ng singil sa kuryente, maaaring tumaas nang bahagya ang presyo dahil sa paggamit ng mas mahal na diesel power plants upang punan ang kakulangan sa suplay. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here