Home NATIONWIDE Luistro, nagbabala sa Senado sa posibleng delay ng impeachment trial ni VP...

Luistro, nagbabala sa Senado sa posibleng delay ng impeachment trial ni VP Sara

4
0

MANILA, Philippines – Nagbabala si Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, lider ng House prosecution panel, na maaaring magalit ang publiko kung maaantala pa ang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sa patuloy na banggaan ng mga paksyon sa Senado.

“Magagalit ang mga tao. ‘Yun ang klaro,” ani Luistro sa isang press conference noong Hunyo 8.

Nagkakaroon ngayon ng hindi pagkakaunawaan sa Senado sa pagitan ng kampo ni Senate President Pro Tempore Sherwin Gatchalian, na itinuturing ng ilan bilang Acting Senate President, at ni Senator Alan Peter Cayetano, na iginiit na siya pa rin ang lehitimong Senate President.

Ayon kay Luistro, malinaw na hinihintay ng publiko ang pag-usad ng impeachment trial at hindi dapat ito maantala dahil sa internal na isyu ng Senado.

Ibinida rin niya ang survey na nagpapakita na “74 percent ng mga Pilipino ang gustong-gustong matuloy na itong impeachment trial na ito,” kaya’t dapat umano itong aksyunan agad.

Paliwanag pa niya, ang mga artikulo ng impeachment laban kay Duterte ay pareho pa rin ng mga isyung inihain noong 19th Congress, kabilang ang umano’y threat, confidential funds, bribery, at unexplained wealth, na hanggang ngayon ay wala pang malinaw na sagot.

“And remember, the allegations in the present articles of impeachment are the same allegations in the articles of impeachment back in the 19th Congress. Ibig sabihin, we are dealing with the same questions on threat, confidential funds, bribery and unexplained wealth, which means simula ng 19th Congress hanggang sa oras na ito wala pa pong naririnig na kasagutan ang sambayanang Pilipino,” ani Luistro.

“So to your question kung anong magiging consequence, kung anong magiging reaction ng mga tao, certainly from my end, magagalit ang mga Pilipino if we keep on delaying this impeachment trial,” dagdag pa niya.

Si Vice President Sara Duterte ay unang na-impeach noong Pebrero 5, 2025 sa House plenary sa ilalim ng fast-track mode, ngunit hindi agad naisagawa ang paglilitis sa Senado at kalaunan ay idineklara itong unconstitutional ng Korte Suprema.

Muling in-impeach siya ng House noong Mayo 11, 2026. Sa parehong araw, nagkaroon ng pagbabago sa liderato ng Senado na nagresulta sa pag-upo ni Cayetano bilang Senate President.

Nagtatag ang Senado ng impeachment court noong Mayo 18 sa ilalim ni Cayetano. Noong Hunyo 3, bago mag-adjourn ang 20th Congress first regular session, si Gatchalian ang naging Acting Senate President sa panibagong pagbabago sa liderato.

Nakatakda ang pre-trial ng kaso sa Hunyo 15, habang ang unang araw ng aktuwal na paglilitis ay sa Hulyo 6. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here