MANILA, Philippines – Inihayag ni Senate President Pro Tempore Win Gatchalian na malinaw na ipinapakita sa mga opisyal na journal ng Senado mula 2008 hanggang 2020 na matagal nang kinikilala ng Senado ng Pilipinas ang 12-miyembrong quorum.
Noong Mayo 21, 2008, at Pebrero 11, 2009, idineklara ang quorum na may 12 miyembrong dumalo batay sa 23 kasapi ng Senado kasunod ng pagbibitiw ni Senador Alfredo Lim matapos itong manalo bilang alkalde ng Maynila noong 2007.
Sa parehong pagkakataon, nakakulong si Senador Antonio Trillanes at hindi nakadalo sa mga sesyon.
Noong Setyembre 29, 2010, nagdeklara ang Senado ng valid na quorum na may 12 senador na dumalo sa 23 miyembro kasunod ng pagbibitiw ni Senador Noynoy Aquino matapos nitong manalo sa pagkapangulo.
Muli, hindi nakadalo si Senador Antonio Trillanes dahil siya ay nakakulong.
Noong Mayo 8 at 15, 2012, nagdeklara ang sesyon ng quorum at nagpatuloy sa opisyal na gawain na may 12 senador na dumalo sa 23 miyembro kasunod ng pagbibitiw ni Aquino.
Sa parehong pagkakataon, ilang senador ang naka-sick leave, nasa opisyal na misyon, o dumating matapos ang roll call.
Noong Mayo 5, 2015, ibinase ng Senado ang quorum nito sa 17 dahil apat na senador ang nasa ibang bansa, habang sina Senador Juan Ponce Enrile, Bong Revilla, at Jinggoy Estrada naman ay nakakulong.
Sa pamamagitan ng 12 miyembrong dumalo, idineklara ng presiding officer ang pagkakaroon ng quorum.
Noong Hunyo 2, 2015, isang katulad na quorum ang idineklara na may 12 miyembrong dumalo, dahil sina Senador Enrile, Revilla, at Estrada ay nakakulong, habang ang iba naman ay nasa opisyal na misyon, naka-extended medical leave, o dumating matapos ang roll call.
Panghuli, noong Mayo 23, 2020, muling idineklara ang quorum na may 12 senador na dumalo. Noong panahong iyon, nakakulong si Senador Leila De Lima, habang ang iba naman ay hindi pisikal na nakadalo sa sesyon.
“Hindi natin pwedeng baguhin ang kasaysayan. Ang Senate records mismo ang nagpapatunay na hindi na bago ang nangyaring sesyon noong June 3 at ito ay lehitimo,” pagdidiin niya. Ernie Reyes