MANILA, Philippines – Lantarang tinabla ni Senate President Pro-Tempore Sherwin Gatchalian ang panukala ni Senate President Alan Peter Cayetano na magkaroon ng power-sharing sa Senado upang hindi maantala ang Impeachment Trial ni Vice President Sara Duterte.
Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na malinaw sa pangyayari noong Hunyo 3 kung sino ang nahalal at nabakante ang lahat ng posisyon sa Senado.
“Doon sa June 3 session, klaro kung sino ang hinalal na Senate President Pro Tempore. At klaro rin kung sino ang dinesignate na Acting Senate President. So klaro naman doon kung sino ang mga dinesignate at hinalal. At tayo po ‘yun, isa lang , ayon kay Gatchalian sa isang radio interview.
Tugon ito ni Gatchalian sa panukala ni Cayetano na kapwa sila lumagda sa anumang dokumento sa Senado nang walang designation upang maiwasan maantala ang operasyon ng Mataas na Kapulungan at pagpapasahod sa empleyado habang nagkakagulo pa sa liderato ng Senado.
“Hindi ho posible ‘yung power sharing dahil isang tao lang po ang hinalal,” aniya.
Sinabi pa ni Gatchalian na wala pa silang natatanggap mula sa Supreme Court upang sagutin o magsumite ng dokumento hinggil sa sigalot sa liderato ng Senado.
Walang inisyatiba din ang grupo nito na idulog sa Supreme Court ang isyu.
Naantala ang ilang gawing lehislatibo ng Senado sanhi ng sigalot sa liderato kabilang ang pagpasa ng ilang panukalang batas, proseso sa impeachment trial at kumpirmasyon ng ilang opisyal na nakasalang sa Commission on Appointments.
Aniya, patuloy ang diskusyon kung magpapatawag ng special session partikular ang pagkilos sa ilang nakabinbin na bagay tulad ng promosyon ng ilang heneral.
“’Yan ay isang bagay na ilalagay po natin sa special session. ‘Yan ang isang bagay na pinag-aaralan namin kung paano po ilalagay sa special session ,” aniya.
Sa impeachment trial naman, sinabi ni Gatchalian na susundin ng Senado ang timeline na naunang pinagkasunduan sa caucus at patuloy ang preparasyon.
Aniya, malinaw sa Rules na dapat ang Senate President ang ma-preside sa impeachment trial. Kapag walang Senate president, gagalaw dito ang Senate President Pro-Tempore.
“By operation of our rules, tatayong presiding officer ay yung Acting Senate President,” ani Gatchalian. Ernie Reyes