MANILA, Philippines – Umapela si Catholic Bishops’ Conference of the Philippines o CBCP nitong Martes sa lahat ng obispo na pahintulutan ang ikalawang koleksyon sa mga misa tuwing Linggo sa June 14 para sa mga biktima ng nakamamatay na lindol sa Mindanao.
Sa isang pahayag, sinabi ni CBCP President Archbishop Gilbert Garcera na nakikiisa sila sa mga biktima at nakikiramay sa mga pamilyang naulila.
Ang Caritas Philippines ang humanitarian, development, at advocacy arm ng CBCP na pinamumunuan ni Bishop Gerardo Alminaza.
Ayon kay Garcera, hindi maaaring manahimik ang Simbahan sa paghihirap ng mga apektadong residente.
Binigyang-diin niya na ang ganitong mga sandali ay paalala “na ang Simbahan ay tinawag na maging tanda ng pag-asa at saksi ng pag-ibig.”
Hiniling din niya sa lahat ng diyosesis at mga relihiyosong komunidad sa buong bansa na mag-alay ng espesyal na Panalangin ng Bayan sa lahat ng misa sa susunod na Linggo para sa mga biktima ng lindol at para sa mga itinalaga sa relief at rescue operations.
Tumama ang magnitude 7.8 na lindol sa baybayin ng Maasim, Sarangani, kaninang 7:37 a.m. noong June 8. Nagpalabas muna ng tsunami warning para sa Pilipinas pero kalauna’y inalis na ito.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, 37 katao ang namatay at 479 ang nasugatan dahil sa lindol as of Martes.
Batay sa datos ng ahensya, 33 patay, 456 sugatan, at 4 na nawawala ang naitala sa Soccsksargen o South Cotabato, Cotabato, Sultan Kudarat, Sarangani, at General Santos City, habang 4 na patay at 23 sugatan ang naulat sa Davao region. Jocelyn Tabangcura-Domenden