Home NATIONWIDE Mga Senador dapat muna magkasundo bago magpatawag ng special session – PBBM

Mga Senador dapat muna magkasundo bago magpatawag ng special session – PBBM

2
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Malakanyang na kailangan munang magkasundo ang mga senador bago pa magpatawag ng special session si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Kongreso para talakayin ang 21 priority measures para maipasa ang mga ito ng Kongreso bago pa ang 5th State of the Nation Address (SONA) ng Pangulo

“Ang gusto po ng Pangulo ay mauna ang Senado na magkasundo dahil kahit sabihin natin na mayroong hiling ang Pangulo para sa isang special session, kung sila mismo po ay hindi magkakasundo, mababale-wala po ang naisin ng Pangulo,” ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang.

“Dapat ayusin po nila ang Senado para… ito naman ay para sa taumbayan, hindi pangsarili. So, unahin muna nilang maayos ang kanilang mga sigalot at ang kanilang mga isyu sa Senado,” aniya pa rin.

Giit pa ni Castro, kung patuloy na hindi magkakasundo ang mga senador at mananatili ang power gridlock sa Senado ay malabo aniyang magkaroon ng special session.

“Katulad ng sinabi natin, kahit humiling ang Pangulo ng special session, kahit sa kaniya manggaling ang special session – kung wala pong mangyayari dahil hindi po nagkakasundo ang mga senador sa Senado, mababale-wala po iyan. Dapat unahin ng mga senador natin ngayon ang taumbayan hindi ang sariling interes o ambisyon,” aniya pa rin.

Kamakailan ay sinabi ni Castro na nakahanda si Pangulong Marcos na magpatawag ng special session ang Kongreso kung pormal itong hihilingin ng grupong pinamumunuan ni Senador Sherwin Gatchalian.

Ito ay matapos mabalam ang pagtalakay ng Senado sa ilang panukalang batas at kumpirmasyon ng mga heneral dahil sa sigalot sa liderato ng kapulungan bago ang sine die adjournment.

Ani Castro, agad na kikilos ang Pangulo sa oras na makatanggap siya ng opisyal na kahilingan mula sa bagong liderato ng Senado.

Nais aniya ng Pangulo na magpatuloy ang trabaho ng Senado at malabong tanggihan ang anumang kahilingan para sa special session kung may sapat na batayan ito.

Sa ilalim ng Artikulo VI, Seksyon 15 ng 1987 Konstitusyon, ang Pangulo lamang ang may kapangyarihang magpatawag ng special session ng Kongreso anumang oras.

Gayunman, sinabi ng Palasyo na kailangan munang ayusin ng Senado ang mga suliranin nito sa loob bago tuluyang makausad ang mga nakabinbing usapin. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here