Home NATIONWIDE Matatag na suporta sa kapakanan, modernisasyon ng PH Navy, iginiit ni PBBM

Matatag na suporta sa kapakanan, modernisasyon ng PH Navy, iginiit ni PBBM

1
0
Photo Courtesy of Philippine Navy

MANILA, Philippines – Muling pinanindigan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., ang hindi matitinag na suporta ng kanyang administrasyon sa kapakanan at modernisasyon ng Philippine Navy, kasabay ng pagbibigay-diin sa pangangailangang mabigyan ang mga mandaragat na Pilipino ng sapat na kakayahan upang magawa ang kanilang tungkulin sa gitna ng nagbabagong hamon sa rehiyon at sa pangangalaga sa pambansang interes.

Sa pagdiriwang ng ika-128 anibersaryo ng Philippine Navy sa punong himpilan nito sa Roxas Boulevard, Maynila, binigyang-diin ng Pangulo ang mahalagang papel ng hukbong-dagat sa pagtatanggol sa soberanya ng bansa at sa pagprotekta sa mamamayang Pilipino.

“Sa loob ng mahigit isang siglo, patuloy na nagbabantay ang Philippine Navy sa ating karagatan, ipinagtatanggol ang ating soberanya at pinoprotektahan ang ating mamamayan. Patuloy nila itong ginagawa sa harap ng mga nagbabagong hamon sa seguridad na nangangailangan ng higit na pagbabantay,” anito.

“Mahalaga ang patuloy na pagpapalakas sa kakayahan ng Philippine Navy upang maprotektahan ang ating mga interes sa West Philippine Sea at matugunan ang mas malawak na mga hamon ng ating panahon,” ang dagdag na pahayag ng Pangulo.

Ayon sa Pangulo, binago ng mabilis na paglago sa ekonomiya at politika sa ika-21 siglo ang pandaigdigang kaayusan, kung saan naging sentro ng geopolitics at ekonomiya ang Indo-Pacific.

Kasabay nito, ang mga karagatang nakapaligid sa rehiyon ay naging lugar ng tumitinding kompetisyon at tunggalian dahil sa pagtaas ng tensyon sa karagatan, pagbabago ng mga alyansa, at paglitaw ng mga bagong banta. Dahil dito, mahalagang mapanatili ang isang matatag at matibay na depensang pandagat.

“Sa ganitong kalagayan, napakahalaga ng isang kapani-paniwala at mahusay na Philippine Navy para sa kapayapaan sa rehiyon,” ang winika ng Pangulo.

Muli ring tiniyak ng Pangulo ang suporta ng pamahalaan sa kapakanan ng mga tauhan ng hukbong-dagat.

“Makakaasa kayo na nananatiling nakatuon ang inyong pamahalaan sa pagsuporta sa inyong kapakanan at sa pagtiyak na taglay ninyo ang mga kagamitang kailangan upang maisakatuparan ang inyong misyon,” ang tinuran ni Panulong Marcos.

Inatasan din ng Pangulo ang Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines (DND-AFP) na higit pang palawakin at patatagin ang pakikipag-ugnayan, palitan ng kaalaman, at pakikipagtulungan sa mga kaalyado at kaibigang bansa.

Ayon sa Pangulo, mahalagang bahagi ng modernisasyon ng hukbong-dagat ang pagprotekta sa mahahalagang daluyan ng ekonomiya ng bansa, pangangalaga sa mamamayan, at pagpapalakas ng ambag ng Pilipinas sa seguridad at kooperasyon sa rehiyon.

Sinabi pa ng Pangulo na ang patuloy na pagsasagawa ng mga pagsasanay upang matiyak na ang mga mandaragat na Pilipino ay may sapat na kasanayan, impormasyon, at proteksiyon sa pagtupad ng kanilang tungkulin.

Itinampok din ng Pangulo ang pagkomisyon sa BRP Rajah Lakandula, na inaasahang magpapalakas sa kakayahan ng Philippine Navy sa maritime security at territorial defense operations upang mapangalagaan ang likas-yaman ng bansa at mapagtibay ang soberanya nito.

Ipinangalan ang barko kay Rajah Lakandula, isa sa mga pinuno ng sinaunang Maynila, bilang pagkilala sa kanyang pamana ng katapangan, pamumuno, at pagmamahal sa bayan.

“Isang karangalan para sa akin na pangunahan ang pagkomisyon sa BRP Rajah Lakandula,” ani Pangulong Marcos.

“Tunay na isa itong mahalagang hakbang tungo sa katuparan ng hangarin ng Hukbong-Dagat para sa isang moderno at may sariling kakayahang puwersa,” ayon sa Pangulo.

Hinimok din ng Pangulo ang mga tripulante ng barko na ipaglayag ito nang may pagmamalaki at ipakita sa buong mundo na ang diwang Pilipino ay hindi kailanman magpapasindak

Pinarangalan din ng Commander-in-Chief ang mga kalalakihan at kababaihan ng Philippine Navy para sa kanilang dedikasyon at sakripisyo sa paglilingkod sa bayan at sa patuloy na pagtaas ng bandila ng Pilipinas kahit sa gitna ng mabibigat na pagsubok.

“Para sa inyong hindi matatawarang katapatan sa gitna ng unos, ito ang masasabi ko: Bravo Zulu. Napakahusay ng inyong paglilingkod,” ang papuri sa kanila ng Pangulo.

“Sa inyong pagbabantay sa ating karagatan, tangan ninyo hindi lamang ang watawat ng Pilipinas, kundi pati na rin  ang tiwala at pag-asa ng sambayanang Pilipino,” ayon sa Pangulo.

Binati rin ni Pangulong Marcos ang mga pinarangalan at ginawaran sa nasabing programa. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here