TINGNAN: Humarap sa NBI ang 16 sa 18 umano’y dating Marines na nagpakilalang “bagmen” ni dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, upang tumalima sa subpoena kaugnay ng kontrobersyal na alegasyon ng kickbacks sa flood control projects. | Cesar Morales
MANILA, Philippines – Tinawag ni Palace Press Officer Claire Castro ang paiba-ibang alegasyon ng 18 indibidwal na nagpakilala bilang mga dating miyembro ng Marines bilang “basura” sa paghahatid umano ng mga kickback sa ilang opisyal ng pamahalaan.
Ani Castro, ang mga pahayag ng mga umano’y bagmen ni dating Ako Bicol party-list Representative Zaldy Co ay hindi tatayo sa korte.
“Basura. Tutal sabi naman nila, sila ay naghahakot ng basura,” aniya.
Ang tinutukoy ni Castro ay ang sworn statements ng 18 indibidwal na nagsabing ang paghahatid ng mga maleta na naglalaman ng mga cash ay karaniwang tinatawag nila bilang paglalabas ng mga basura.
“Itong mga klase ng mga statements na ’to na pinuna rin na bakit ang abogado ang nagsasalita at hindi ’yung 18 kargador o 18 maleta boys, hindi po ito tatayo sa korte.”
“’Yung ganitong klaseng mga statements na pabagu-bago, hindi po ito makakapasa sa masusing pag-aaral at pagsusuri ng korte,” dagdag pa niya.
Iginiit din ni Castro na ang pahayag ng mga grupo ay pawang mga gawa-gawang kwento lamang para siraan ang ilang indibidwal.
“Dito pa lamang po ay makikita na natin kung anu-anong klase ang mga kuwento nila para makapanira lamang.”
Wala pang tugon si Atty. Levito Baligod kaugnay nito. RNT/JGC