MANILA, Philippines – Walang long gown at red carpet sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa susunod na buwan, ayon kay House of Representatives Secretary General Cheloy Garafil.
Nag-isyu ng pahayag si Garafil matapos ang unang inter-agency coordination meeting.
“There will be no red carpet, no long gowns,” ani Garafil.
“We encourage guests to wear simple but dignified clothing fit for the occasion,” dagdag pa.
Dumalo ang mga opisyal ng Kamara, Senado, Office of the President, security agencies, local government units, at iba pang ahensya ng pamahalaan para pag-usapan ang logistical, security, protocol, at operational arrangements para sa SONA ng Pangulo.
Ang delegasyon ng Senado ay pinangunahan ni Secretary Renato Bantug Jr., na nagpahayag naman ng kahandaan at makikipagtulungan sa lahat ng ahensya ng pamahalaan upang masiguro ang maayos at matagumpay na SONA ngayong taon.
Nagpasalamat naman si Undersecretary Reichel Quinones mula sa Office of the President, Chief of Presidential Protocol, sa Kamara sa pagho-host ng initial coordination meeting at nagpahayag ng kumpiyansa sa kapabilidad ng kapulungan para sa pag-organisa ng SONA. RNT/JGC