Home NATIONWIDE House Prosecutors: Pagkaantala ng impeachment trial walang magiging pakinabang kay VP Sara

House Prosecutors: Pagkaantala ng impeachment trial walang magiging pakinabang kay VP Sara

4
0

MANILA, Philippines – Iginiit ng mga miyembro ng House prosecution panel na walang magiging pakinabang kay Vice President Sara Duterte kung maaantala ang kanyang impeachment trial sa Senado.

Ayon kina Akbayan Party-list Rep. Chel Diokno at Kabataan Party-list Rep. Renee Co, ang anumang pagkaantala sa paglilitis ay hindi nagbibigay ng bentahe sa depensa dahil ang magiging batayan ng kaso ay ang mga ebidensyang ihaharap sa impeachment court.

“I don’t see that what is happening in the Senate will be an advantage to the defense team. This is about the evidence,” ani Diokno.

Sinabi naman ni Co na ang patuloy na pagkaantala ay maaari ring maging disadvantage sa depensa dahil mahalagang masagot na ang mga alegasyong nakapaloob sa articles of impeachment.

“I think ang further delay ay disadvantage din to the defense dahil gusto natin ‘yung mga ebidensya at sagot ni VP ng defense doon sa articles of impeachment,” ani Co.

Dagdag niya, ang layunin ng impeachment trial ay malinawan at maresolba ang mga paratang laban sa Bise Presidente.

“Kaya ang gusto natin matapos na ang paglilitis para sa punot-dulo nito kung ano man ang alegasyon. Ang pagtutuloy-tuloy ng paglilitis will be to the advantage of due process and all institutions facing these allegations,” dagdag niya.

Samantala, pinaalalahanan ni Diokno si Duterte na kinakailangan niyang personal na humarap sa impeachment court upang maghain ng kanyang plea alinsunod sa mga tuntunin ng Senado.

Ayon sa kanya, kung hindi haharap ang Bise Presidente, awtomatikong itatala ng impeachment court ang plea na “not guilty” para sa kanya.

“Kung halimbawa ayaw niyang pumunta then the automatic under the rules that will be considered as a plea of not guilty,” paliwanag ni Diokno.

Kabilang sa mga paratang laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng ₱612.5 milyong confidential funds, hindi tamang deklarasyon sa kanyang Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), hindi maipaliwanag na yaman, at mga umano’y pagbabanta kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.

Patuloy naman ang alitan sa liderato ng Senado sa pagitan ng mga kampo nina Acting Senate President Sherwin Gatchalian at Senador Alan Peter Cayetano habang naghahanda ang kapulungan para sa impeachment proceedings. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here