Home NATIONWIDE Suporta sa mental health sa mga estudyanteng naapektuhan ng lindol sa Mindanao...

Suporta sa mental health sa mga estudyanteng naapektuhan ng lindol sa Mindanao tiniyak ni PBBM

4
0

MANILA, Philippines – Tiniyak ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na hindi lamang agarang ayuda ang ibinibigay ng pamahalaan kundi pati suporta sa mental health ng mga estudyanteng naapektuhan ng malakas na lindol sa ilang bahagi ng Mindanao, kabilang ang Sarangani at General Santos City.

Binigyang-diin ng Pangulo ang kahalagahan ng pagtugon sa emosyonal at sikolohikal na epekto ng kalamidad sa mga mag-aaral, lalo na sa mga batang maaaring tahimik na dumaranas ng trauma dulot ng lindol.

“Pati ‘yung kausap ko ‘yung mga teacher, at sinabi ko sa kanila, alalahanin nila na traumatizing itong experience para sa mga estudyante, para sa mga bata,” ani Pangulong Marcos.

Sinabi ng Pangulo na may mga programa ang Department of Health (DOH) upang matulungan ang mga estudyante na makayanan ang kanilang naranasan at makabangon mula sa emosyonal na epekto ng sakuna.

“So, bantayan din nila. We have a program sa DOH na tutulong sa mental health ng mga bata na dumaan sa ganitong klaseng experience,” diin ng Pangulo.

Hinimok din ni Pangulong Marcos ang mga guro at mga kawani ng paaralan na masusing bantayan ang mga estudyanteng maaaring nagpapakita ng mga palatandaan ng emosyonal na pagdurusa, dahil hindi lahat ng bata ay hayagang naipapahayag ang kanilang pinagdaraanan.

“Kasi kung minsan hindi nagsasabi ‘yung bata. Kailangan, sabi ko, bantayan ninyo nang mabuti. ‘Pag may nakita kayo na nangangailangan ng tulong, puwede naman kami tumulong sa DOH,” dagdag ng Pangulo.

Upang higit pang mapalakas ang mga mekanismo ng suporta sa mga paaralan, sinabi ni Pangulong Marcos na sasailalim sa espesyal na pagsasanay ang mga guro upang matukoy at matulungan ang mga estudyanteng nakararanas ng trauma at matinding stress.

“Iyong mga teacher mismo ang gagawin nila, mayroon silang training after this. Magte-training sila para diyan precisely para makausap at makapagbigay ng kaunting therapy sa ating mga estudyante. That is one of the main concerns. Kung minsan hindi masyadong napapag-usapan ‘yan,” ayon sa Pangulo.

Muli namang pinagtibay ng Pangulo ang pangako ng pamahalaan na tiyakin ang kaligtasan, kapakanan, at pagbangon ng mga komunidad na naapektuhan ng lindol, lalo na ang mga bata na naapektuhan ang kanilang pag-aaral at pang-araw-araw na pamumuhay dahil sa kalamidad. (KRIS JOSE)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here