BARCELONA, Spain – Bibigyang-basbas ni Pope Leo XIV ang bagong higanteng tore ng Sagrada Familia Basilica sa Barcelona sa Miyerkules, at magsasagawa rin ng misa sa loob ng itinuturing na ngayon na pinakamataas na simbahan sa mundo.
Ang Sagrada Familia ay isang modernistang obra ni Antoni Gaudí at isa pa ring hindi tapos na simbahan na dinarayo ng halos limang milyong bisita noong nakaraang taon. Ang pagbisita ng Santo Papa ay kasabay ng ika-100 anibersaryo ng pagkamatay ni Gaudí noong Hunyo 10, 1926.
Sa kanyang week-long trip sa Spain, nagsimula siya sa Madrid kung saan nagsalita siya sa Spanish parliament at nagdaos ng misa na dinaluhan ng humigit-kumulang 1.5 milyong tao.
Sa kanyang mga talumpati, binigyang-diin niya ang panawagan laban sa polarisasyon at hinimok ang “patient dialogue” sa halip na digmaan at armasan. Tinalakay din niya ang pangangailangan ng mas mahigpit na aksyon laban sa “scourge” ng sexual violence ng mga clergy.
Pagkatapos ng Barcelona, pupunta siya sa Canary Islands upang tutukan ang usapin ng migrasyon, dahil ito ay pangunahing entry point ng mga irregular migrants papasok sa Europa.
Bago ang misa sa Sagrada Familia, bibisita rin siya sa isang kulungan at sa Montserrat abbey sa labas ng Barcelona.
Ang central Jesus Christ tower ng Sagrada Familia ay natapos lamang noong Pebrero at umabot sa taas na 172.5 metro, kaya ito na ang pinakamataas na simbahan sa mundo. Gayunman, hindi ito lalampas sa 177 metrong Montjuic hill bilang respeto sa paniniwala ni Gaudí.
Sinimulan ang konstruksiyon ng Sagrada Familia noong 1882 at inaasahang matatapos pa ito sa humigit-kumulang sampung taon. Naantala ang proyekto dahil sa COVID-19 pandemic, na nagpahinto sa turismo at kita ng basilica.
Patuloy ang pagbangon ng kita dahil sa muling pagdagsa ng mga turista, ngunit hindi pa rin tiyak ang petsa ng tuluyang pagkumpleto, kabilang ang mga kontrobersyal na bahagi tulad ng Glory Facade at bell towers. RNT/MND