MANILA, Philippines – Sinabi ni Vice President Sara Duterte na ipinauubaya na niya sa kanyang mga abogado ang lahat ng paghahanda para sa nalalapit na impeachment trial.
Sa isang ambush interview sa General Santos City matapos bisitahin ang mga biktima ng lindol noong Hunyo 10, sinabi ni Duterte na susunod lamang siya sa mga magiging desisyon ng kanyang legal team.
Ayon sa kanya, inatasan din niya ang kanyang mga abogado na paliitin ang defense team upang mas maging madali ang pag-uusap at pagdedesisyon sa estratehiya ng depensa.
Ipinaliwanag ni Duterte na bagama’t abogado rin siya at may sarili siyang mga ideya, bilang kliyente ay hahayaan niyang ang kanyang mga abogado ang magpasya kung ano ang pinakamabisa at pinakamainam na paraan ng kanilang depensa.
Nakatakdang isagawa ang pre-trial conference sa Hunyo 18. Ayon sa abiso ng Senate Impeachment Court, hindi ito bubuksan sa media at publiko.
Samantala, nakatakdang magsimula ang pormal na impeachment trial sa Hulyo 6, 2026. RNT/MND