MANILA, Philippines – Target ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na matapos ang siyam na Infrastructure Flagship Projects (IFPs) na nagkakahalaga ng kabuuang P215.95 bilyon bago matapos ang 2026 upang mapabilis ang pagpapatupad ng mahahalagang proyekto ng pamahalaan.
Pinakamalaki sa mga ito ang P51.72-bilyong Malampaya Phase 4 Project at Drilling of Bagong Pag-asa ng Department of Energy.
Kasama rin sa mga inaasahang matatapos ang P40.77-bilyong HEAL Project ng Department of Health na naglalayong palakasin ang health system laban sa mga epekto ng COVID-19.
Pinakamarami namang proyektong matatapos ang Department of Public Works and Highways, kabilang ang:
–Philippine Rural Development Project (P19.18 bilyon) ng Department of Agriculture
–Regional Fish Port Project (P14.07 bilyon)
–Water District Development Sector Project (P3.03 bilyon) ng Local Water Utilities Administration
Malaking pagbuti ito kumpara sa mga nakaraang taon. Halos apat na taon na sa puwesto ang kasalukuyang administrasyon ngunit 10 pa lamang na flagship projects na nagkakahalaga ng P102.66 bilyon ang natatapos, o halos 5% lamang ng 201 proyekto sa kabuuang P10.3-trilyong infrastructure pipeline ng gobyerno.
Noong 2025, isang flagship project lamang ang natapos habang naapektuhan ang implementasyon ng mga proyekto dahil sa kontrobersiya sa flood control projects at mas mahigpit na pagsusuri ng mga gastusin.
Sa kasalukuyan, may 83 ongoing flagship projects na nagkakahalaga ng P4.565 trilyon. Mayroon ding 28 proyekto na aprubado na para sa implementasyon, habang ang iba ay nasa yugto pa ng pag-apruba, paghahanda, at pagpaplano.
Target din ng gobyerno na matapos ang 12 pang flagship projects sa 2027 at 22 pa sa 2028. Samantala, 68 proyekto pa ang inaasahang matatapos lampas sa termino ng kasalukuyang administrasyon. RNT/MND