Bulacan – Arestado ang 49-anyos na lalaking naaktuhang nagbebenta ng baril sa buy-bust operation ng pulisya sa bayan ng Guiguinto nitong hapon ng June 10.
Sa ulat ni PMAJ Mark Anthony Tiongson, OIC, Provincial Intelligence Unit (PIU), kinilala ang suspek na si alyas “Rey”, residente ng Brgy. Tabang.
Ayon sa ulat, naisakatuparan ang operasyon ng PIU katuwang ang 1st Provincial Mobile Force Company at Guiguinto police station bandang 1:30 ng hapon sa Brgy. Tabang.
Nabatid na dinakma ang target nang magbenta ng eskwaladong baril kasama ang dalawang magazine na may tig-tatlong bala sa police poseur buyer.
Nasamsam sa operasyon ang caliber .45 pistol, dalawang magazine ng caliber .45, anim na live ammunition, buy-bust money at isang belt bag.
Dinala ang suspek at mga ebidensya sa tanggapan ng nasabing yunit para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon habang inihahanda na rin ang pagsasampa ng kaukulang kaso. laban dito.
Samantala, pinaalalahanan ni PCOL Jay Baybayan, Officer-in-Charge ng Bulacan Police Provincial Office, ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang ilegal na pagbebenta ng baril at bala.
Patuloy umanong paiigtingin ng pulisya ang kampanya laban sa mga sangkot sa mga gawaing nagdudulot ng panganib sa komunidad, anang opisyal. Dick Mirasol III