Home NATIONWIDE ‘Destab’ talk minaliit ng Malakanyang, ‘di kailangan ng loyalty check

‘Destab’ talk minaliit ng Malakanyang, ‘di kailangan ng loyalty check

2
0

MANILA, Philippines – MINALIIT lang ng Malakanyang ang report na di umano’y may nakaambang na destabilization plot laban kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang na nananatiling nagkakaisa, propesyonal at committed ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa constitutional mandate nito.

Ani Castro, walang natanggap ang liderato ng AFP ng anumang detalye o impomasyon kaugnay sa lumalaking kawalang-kasiyahan sa loob ng military ranks.

“Ang sabi po mismo ng pamunuan ng AFP ay wala silang nakukuhang anumang detalye o impormasyon patungkol dito,” ang sinabi ni Castro.

Kinilala naman ni Castro ang report na may umiikot na tsismis subalit naka-monitor aniya ang military officials sa situwasyon.

“May ugung-ugong, at ito naman din ay kanilang binabantayan,” aniya pa rin.

Winika pa ni Castro na tiniyak ng AFP sa gobyerno na ang mga miyembro nito ay “active, united and professional,” binigyang diin na walang dahilan para sa loyalty check sa loob ng military organization.

“Hindi po kinakailangan, according to AFP, ng loyalty check dahil alam po nila ang kanilang mandato para sa bayan na naaayon sa Konstitusyon,” aniya pa rin.

Nauna rito, nanawagan si Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Martes ng gabi, Hunyo 9, sa lahat ng sandatahang lakas na manatiling mapagmatyag at mapanuri laban sa mga mapagsamantalang grupo na maaaring samantalahin ang kanilang hinaing at saloobin upang isulong ang destabilisasyon laban sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapanggap na kanilang kaalyado.

Ani Lacson, hindi niya isinasantabi ang posibilidad na ang 18 dating sundalo na dinala sa Senado noong Lunes ay maaaring magamit bilang bahagi ng mas malawak na plano upang maghasik ng kaguluhan at magpasimula ng destabilisasyon.

Nauna nang nagbabala si Lacson na ang lumalaking frustration sa hanay ng sandatahang lakas ay maaaring magdulot ng panganib kung ito ay sasamantalahin ng mga mapagsamantala at makapangyarihang destabilizer na ginagamit ang mga pambansang usapin tulad ng mga anomalya sa flood control, implasyon, at pagtaas ng presyo ng langis.

Binanggit din ni Lacson na ang 18 dating sundalo, na unang nagsabing naghatid umano sila ng mga maleta ng salapi mula sa kickback ng mga proyekto sa flood control para sa ilang personalidad, ay nakasuot ng fatigue uniforms nang pumasok sila sa Senado noong Lunes.

Tinukoy niya ang intelligence information na ibinahagi ni National Bureau of Investigation Director Melvin Matibag na maaaring gamitin ang 18 upang makakuha ng suporta mula sa mga miyembro ng uniformed services, lalo na’t may mga anti-government protesters na araw-araw na nagsasagawa ng mga rally sa labas ng Senado.

Sa ngayon, sinabi niyang mahirap makakuha ng simpatya mula sa sandatahang lakas ang 18, lalo na mula sa Marines, dahil hindi bababa sa 12 sa kanila ang dishonorably discharged mula sa serbisyo. Aniya, halos itinakwil na rin sila ni retired Marine Col. Ariel Querubin dahil itinuturing silang kahihiyan ng kanilang hanay.

Ani Lacson, dahil sa naturang potensyal na banta, inilagay ni Senate President Pro Tempore at acting Senate President Sherwin Gatchalian sa heightened alert ang seguridad ng Senado, kabilang ang paghihigpit sa pagpasok at paglabas ng mga senador at pagbabawal muna sa mga bisita. KRIS JOSE

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here