Home NATIONWIDE 7% ng populasyon ng rare orangutan wipe-out sa baha sa Indonesia

7% ng populasyon ng rare orangutan wipe-out sa baha sa Indonesia

2
0

INDONESIA – Hindi bababa sa pitong porsyento ng kabuuang populasyon ng critically endangered na Tapanuli orangutan ang namatay bunsod ng matinding pagbaha at pagguho ng lupa sa Sumatra, Indonesia noong nakaraang taon.

Batay sa ulat na inilabas nitong Miyerkules, Hunyo 10, nasa 58 Tapanuli orangutan ang nasawi sa kalamidad na dulot ng bagyo, na ikinamatay rin ng mahigit 1,200 katao at sumira sa tinatayang 300,000 bahay.

Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng Borneo Futures, World Weather Attribution at Liverpool John Moores University, ang mga orangutan ay matatagpuan lamang sa paligid ng Batang Toru forest sa North Sumatra.

Tinataya na nasa 800 na lamang ang natitirang populasyon ng Tapanuli orangutan sa buong mundo kaya malaking dagok sa kanilang kaligtasan ang pagkawala ng 58 sa kanilang bilang.

Sinabi ng mga researcher na posible pang mas mataas ang bilang ng namatay na orangutan dahil hindi nasuri ang iba pang bahagi ng kagubatan.

Lumabas din sa pag-aaral na ang climate change na dulot ng aktibidad ng tao ay malamang na nagpalala sa tindi at dalas ng malalakas na pag-ulan sa paligid ng Malacca Strait, dahilan upang mas malagay sa panganib ang tirahan ng mga orangutan.

Ayon kay Erik Meijaard ng Borneo Futures at pangunahing may-akda ng pag-aaral, labis na nababad sa tubig ang lupa kaya gumuho ang malalaking bahagi ng kabundukan sa kagubatan.

Aniya, napakaliit ng tsansang makaligtas ng isang orangutan kapag natamaan ng mabilis na pagragasa ng landslide.

Binigyang-diin din niya na napakalaking pinsala nito para sa isang species na mayroon nang napakaliit na populasyon.

Nanawagan naman si researcher Panut Hadisiswoyo sa pamahalaan ng Indonesia, mga non-government organizations at mga siyentipiko na magsama-sama upang mapigilan ang patuloy na pagliit ng populasyon ng orangutan.

Ayon sa kanya, mahalaga ring masugpo ang ilegal na pangangaso at mas maayos na paggamit ng lupa upang mapanatili ang natitirang bilang ng mga bihirang primate. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here