Home HOME BANNER STORY Singil sa kuryente ng Meralco tataas ngayong Hunyo

Singil sa kuryente ng Meralco tataas ngayong Hunyo

4
0

MANILA, Philippines — Tataas ang bayarin sa kuryente ng mga customer ng Manila Electric Co. (Meralco) ngayong Hunyo matapos magpatupad ang kompanya ng P0.1488 kada kilowatt-hour (kWh) na dagdag-singil dahil sa pagtaas ng presyo sa wholesale spot market bunsod ng tight grid conditions.

Ayon sa Meralco, aakyat sa P14.4833 kada kWh ang overall rate para sa karaniwang household ngayong buwan mula sa P14.3345 kada kWh noong Mayo. Katumbas ito ng dagdag na nasa P30 sa buwanang bill ng household na kumokonsumo ng 200 kWh.

Pangunahing dahilan ng pagtaas ang generation charge, na umakyat ng P0.2762 kada kWh sa P9.0704 mula sa P8.7942 kada kWh noong Mayo.

Tumaas sa P7.0281 kada kWh ang presyo sa Wholesale Electricity Spot Market (WESM) matapos isailalim sa Red Alert ang Luzon grid sa loob ng tatlong sunod na araw mula Mayo 13 hanggang 15, nang lumampas ang demand sa kuryente sa record levels noong 2024 habang humigpit ang generation capacity dahil sa transmission line trippings.

Umakyat din ng P0.0941 kada kWh ang Power Supply Agreement charges, hindi kasama ang line rental adjustments, dahil sa patuloy na paghina ng piso at pagtaas ng presyo ng coal at liquefied natural gas sa world market.

Gayunman, bumaba ng P0.1569 kada kWh ang singil mula sa Santa Rita at San Lorenzo gas plants ng First Gas/Prime CoreGen dahil sa mas maayos na average dispatch, na bahagyang pumigil sa epekto ng mas mataas na paggamit ng liquefied natural gas at paghina ng piso.

Ayon sa Meralco, ang Power Supply Agreements, First Gas/Prime CoreGen, at WESM ay bumuo ng 69 percent, 21 percent, at 10 percent ng kabuuang energy requirement nito para sa billing period.

Bahagyang napababa naman ang epekto ng taas-singil dahil sa P0.1525 kada kWh na pagbaba sa transmission charge matapos alisin ang suspension ng WESM operations noong Mayo 1.

Nagdagdag naman ng netong P0.0251 kada kWh ang taxes at iba pang charges. Patuloy ding makatatanggap ang mga customer ng P0.4278 kada kWh na refund, habang nananatiling hindi nagbabago ang distribution charge ng Meralco mula nang bawasan ito noong Agosto 2022. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here