MANILA, Philippines — Sasagutin ng House of Representatives ang gastusing medikal ng mga nasugatan sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8, ayon kay Speaker at Isabela 6th district Rep. Faustino “Bojie” Dy III nitong Huwebes.
Ginawa ni Dy ang pahayag matapos personal na inspeksyunin ang mga lugar na naapektuhan ng lindol sa General Santos City at Sarangani Province. Ayon sa kanya, magkakaroon ng zero hospital balance ang mga pasyenteng nasugatan, nasa pampubliko man o pribadong ospital.
“Sa ngalan po ng House of Representatives, amin pong taos-pusong ipinaaabot ang amin pong pakikiramay. Nandito kami para matiyak na katulad ng sabi po namin, sa lahat ng ospital na kakailanganin na related po sa earthquake ay titiyakin natin na zero balance yung ating mga kababayan na nasa loob ng mga ospital,” pahayag ni Dy.
“At dapat madagdagan pa ng mga pondo para meron tayong kasiguraduhan at matiyak na malalampasan natin itong paghamon na tumama dito po satin, sa mga kababayan natin dito sa rehiyon na ‘to,” dagdag niya.
Sinabi ni Dy na nagsagawa rin ng on-site assessment ang House delegation sa mga nasirang imprastraktura at pampublikong pasilidad upang matukoy ang pangangailangan sa reconstruction at matiyak na maisasaalang-alang ang pondo sa panukalang 2027 national budget.
“Importante rin ma-assess mabuti yung mga building katulad ng ating mga airport na nakita kanina at para sa gayon matiyak natin na wala tayong magiging problema,” ani Dy.
“Kaya ganoon din ang ating support, pagtutulungan namin para sa gayon ma-rehab natin nang mabilis na panahon itong mga ospital, sapagkat ito yung unang-unang mga pangaingailangan natin dito sa inyong lugar,” dagdag pa niya.
Ayon kay Dy, makikipagtulungan ang mga kinatawan ng apektadong rehiyon sa House leadership upang maisama sa budget sa susunod na taon ang rehabilitasyon ng mga kalsada, tulay, at iba pang pasilidad.
“May mga reports na dumating sa mga damages sa inyo pong area. At siyempre tamang-tama po yan, ang ating mga kinatawan ng inyong rehiyon ay pagtutulungan namin para matiyak na nandun siya sa loob ng ating proposed budget for next year para masiguro natin magawa yung mga dapat na magawa na mga kalsada, tulay, at ano pang mga facilities para pakinabangan ang ating mga kababayan,” ani Dy.
Inaasahang sisimulan ng House of Representatives ang pagtalakay sa panukalang 2027 national budget matapos ang ikalimang State of the Nation Address ni President Marcos sa huling bahagi ng Hulyo. RNT