MANILA, Philippines — Ilang pangunahing kalsada sa Maynila ang isinara madaling-araw ng Biyernes bilang paghahanda sa mga aktibidad at kilos-protesta para sa ika-128 Araw ng Kalayaan.
Naglagay ang mga awtoridad ng mga container van, konkretong harang, at barbed wire malapit sa Mendiola Peace Arch, ilang bahagi ng Recto Avenue, at Ayala Bridge. Gumamit din ng heavy equipment upang mailagay ang mga harang sa mga pangunahing lugar.
Ayon sa Manila Public Information Office, nagsimula ang road closures dakong alas-2 ng madaling-araw at naapektuhan ang mga bahagi ng Katigbak Drive, Independence Road, South Road, Bonifacio Drive, Roxas Boulevard, T.M. Kalaw Avenue, P. Burgos Avenue, Finance Road, at Ma. Orosa Street.
Nagpatupad din ng rerouting schemes para sa mga sasakyang manggagaling sa Jones, MacArthur, at Quezon bridges, gayundin sa Roxas Boulevard at Mel Lopez Boulevard.
Nakatakda namang magsagawa ng Independence Day protest ang progresibong grupong Bagong Alyansang Makabayan sa panulukan ng Kalaw at Taft Avenue alas-9:30 ng umaga bago magmartsa patungo sa Embassy of the United States in Manila kung saan magsasagawa ng programa at demonstrasyon.
Pinayuhan ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta at asahan ang mabigat na daloy ng trapiko sa mga apektadong lugar.
Samantala, naglatag din ng mga harang ang pulisya sa kahabaan ng J.W. Diokno Boulevard bandang alas-3 ng madaling-araw bilang bahagi ng seguridad para sa mga posibleng pagtitipon at kilos-protesta sa paligid ng Senado.
Namataan din ang ilang tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na nananatili sa labas ng Senado bago ang mga nakatakdang aktibidad. RNT