Home NATIONWIDE PBBM, byaheng Russia para sa ASEAN-Russia Summit sa June 17-18

PBBM, byaheng Russia para sa ASEAN-Russia Summit sa June 17-18

4
0

MANILA, Philippines – BYAHENG Russia si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa susunod na linggo.

Pangungunahan kasi ng Pangulo ang pagsusuri sa naging takbo ng kooperasyon at relasyon ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) sa Russia sa idaraos na summit, na magiging tanda ng ika-35 anibersaryo ng ugnayan ng ASEAN at Russia.

Sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na ang Pangulo ay nasa Kazan, Russia mula June 17 hanggang 18 para dumalo sa ASEAN-Russia Commemorative Summit.

Aniya pa, may mahalagang papel ang Pilipinas sa pag-uusap bilang kasalukuyang chairman ng ASEAN.

“Ang Russia ay isang ASEAN dialogue partner at bilang ASEAN Chair ang Pilipinas, pangungunahan natin ang pagsusuri sa naging takbo ng ating kooperasyon at relasyon sa Russia,” ayon kay Castro.

“Kasama na rin dito ang pagtatalakay sa mga susunod na hakbang upang higit pang mapalalim at mapalawak ang ugnayan ng Pilipinas at Russia at ng ASEAN,” dagdag pa nito.

At nang tanungin kung bakit hangad ng Pilipinas na mapalawig ang pakikipag-ugnayan sa Russia sa kabila ng mga parusang ipinataw ng ilang bansa bunsod ng giyera sa Ukraine, binigyang-diin ni Castro na ang biyahe ng Pangulo ay pangunahing iniuugnay sa responsibilidad ng Pilipinas bilang ASEAN Chair.

Sa kabilang dako, sinabi ni Castro na sinasaliksik ng Department of Energy (DOE) ang posibleng areas of cooperation kasama ang Russia sa energy sector.

Ani Castro, nagpahayag ng interes si Energy Secretary Sharon Garin na pag-usapan ang potensiyal na oportunidad na may kinalaman sa energy transition at fuel diversification.

“According to her, there are no details yet, but she wants to explore possible options on energy transition and fuel diversification,” ani Castro.

Sa katunayan, plano aniya ng Kalihim na pag-usapan ang bagay na ito sa Russian ambassador to the Philippines.

At nang tanungin naman si Castro kung pinag-aaralan ba ng gobyerno ang posibilidad na bumili ng Russian oil, sinabi nito na bahagi ito ng mga usaping ginagalugad ng Energy Department.

Samantala, ang karagdagang detalye ukol sa magiging partisipasyon ng Pangulo sa summit, kabilang ang posibleng bilateral meetings, ay iaanunsyo ng Department of Foreign Affairs.

At nang tanungin din si Castro kung ang Pangulo ay magkakaroon ng hiwalay na pakikipag-usap kay Russian President Vladimir Putin, sinabi nito na ang DFA na ang magbibigay ng detalye sa nakatakdang briefing nito sa Lunes, Hunyo 15. (Kris Jose)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here