DIPACULAO, Aurora — Pansamantalang ipinasara ng pamahalaang bayan ng Dipaculao ang Hermanos Leisure and Farm Resort matapos ang pagkalunod ng mga manlalaro ng Ateneo Blue Eagles na sina Rene Clert N. Baterbonia at Divine Adili sa isang team-building activity noong Hunyo 8.
Iniutos ni Mayor Danilo A. Tolentino ang masusing imbestigasyon sa insidente upang matiyak ang kaligtasan ng mga residente at turistang bumibisita sa mga resort at iba pang pasyalan sa bayan.
Nagsagawa ng inspeksyon ang isang composite team na binubuo ng mga kinatawan mula sa Business Permits and Licensing Office, Municipal Tourism Office, Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office, at Philippine Coast Guard upang suriin ang operasyon at mga hakbang pangkaligtasan ng resort.
Sa isinagawang assessment, napag-alamang hindi nakasunod ang resort sa ilang mahahalagang safety requirements na nakasaad sa Sangguniang Bayan Ordinance No. 2025-12 na nagtatakda ng mga pamantayan sa kaligtasan sa mga dalampasigan, anyong-tubig, at mga tourism establishment sa Dipaculao.
Ayon sa mga lokal na opisyal, bahagi ng mas mahigpit na pagpapatupad ng mga umiiral na regulasyon ang temporary closure order upang matiyak na sumusunod ang mga tourism establishment sa mga itinakdang pamantayan, lalo na sa mga water-based activities.
Nagpaabot din ng pakikiramay ang pamahalaang bayan sa pamilya, mga kaibigan, at mga kasamahan ng dalawang student-athletes.
Nangako naman ang mga awtoridad na paiigtingin ang monitoring at koordinasyon sa mga kaukulang ahensya upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya sa hinaharap. Mary Anne Sapico