Home NATIONWIDE China ‘nagnanakaw’ ng maritime data sa Bajo de Masinloc – NMC

China ‘nagnanakaw’ ng maritime data sa Bajo de Masinloc – NMC

4
0

MANILA, Philippines — Inakusahan ng mga opisyal ng maritime security ng Pilipinas ang China ng pangangalap ng maritime data sa Bajo de Masinloc nang walang pahintulot ng Maynila, matapos makumpirma ng pamahalaan ang unang dokumentadong paglalagay ng movable platform sa shoal.

Ayon kay National Maritime Council spokesperson Alexander Lopez, unang namonitor ang platform noong Mayo 20 o 21 at lumilitaw na ginagamit ito bilang data-gathering platform para sa maritime research.

“Ang ginagawa nila ay kumukuha sila ng data/impormasyon at practically ninanakaw nila iyong data sa atin,” pahayag ni Lopez sa panayam sa “Bagong Pilipinas Ngayon” sa PTV.

Sinabi ni Lopez na kinakailangan ang pahintulot ng pamahalaan ng Pilipinas para sa anumang maritime survey o research activity sa loob ng exclusive economic zone ng bansa.

“The implication is very clear. Under international law, particularly UNCLOS, all economic activities, even maritime surveys or research activities, are prohibited unless there is authority or permission from the coastal state,” ani Lopez.

Ang Bajo de Masinloc, na kilala rin bilang Scarborough Shoal, ay matatagpuan humigit-kumulang 100 hanggang 119 nautical miles mula Zambales at nasa loob ng 200-nautical-mile exclusive economic zone ng Pilipinas. Ayon sa mga opisyal ng Pilipinas, mahigit 500 nautical miles ito mula sa Hainan, ang pinakatimog na lalawigan ng China.

Sinabi ni Philippine Coast Guard Rear Adm. Jay Tarriela na ang movable platform ay may deck area na humigit-kumulang 30 square meters at may habang nasa lima hanggang pitong metro. Napapalibutan ito ng fenders at may apat na metal poles sa bawat sulok, na pinaniniwalaang ginagamit bilang stilts kapag nakapuwesto nang hindi gumagalaw.

Ayon kay Tarriela, walang nakitang man-made structure sa entrada ng Bajo de Masinloc batay sa commercial satellite imagery noong Mayo 20, ngunit noong Mayo 21 ay nadokumento roon ang dalawang Chinese research vessels na Yusha Yuji 20028 at Yuzan Yuji 6. Hinala ng mga opisyal, ang dalawang barko ang nagdala ng platform sa southeast entrance ng shoal.

Nadokumento ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang platform sa isang maritime domain awareness flight noong Mayo 26, habang kumuha naman ang PCG ng low-altitude images noong Mayo 28. Kalaunan, nakita sa monitoring ng Pilipinas ang anim na Chinese nationals sa deck ng platform noong Mayo 30, at noong Mayo 31 ay nakapasok na ang platform sa loob ng shoal sa tulong ng dalawang service boats.

Naghain na ang Department of Foreign Affairs ng diplomatic action, kabilang ang protest o demarche, at hiniling sa China na alisin ang movable platform.

“Only the Philippines has the right to place or construct structures and conduct activities in Bajo de Masinloc,” pahayag ni DFA maritime affairs spokesperson Rogelio Villanueva Jr.

Ayon sa DFA, ang patuloy na presensya ng platform nang walang pahintulot ng Pilipinas ay lumalabag sa Philippine sovereignty at jurisdiction, at taliwas sa UNCLOS, 2016 arbitral award, at commitments ng China sa ilalim ng 2002 Declaration on the Conduct of Parties in the South China Sea.

Sinabi ni Lopez na nagpapatuloy ang maritime domain awareness patrols ng pamahalaan sa himpapawid at karagatan gamit ang assets ng BFAR, PCG, Armed Forces of the Philippines, Philippine Navy, at Philippine Air Force.

“Gusto ko lang sanang ibahagi ang posisyon ng ating government at ito ay idiniin ng ating pangulo, Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na sinabi niya during one of the SONA na not even a square inch of our territory o isang kuwadradong pulgada ay hindi natin ipamimigay sa anumang bansa,” ani Lopez. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here