MANILA, Philippines – Pinabibilis ng Kamara ang pagpasa ng panukalang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, isang batas na naglalayong gawing mas bukas at transparent ang paggamit ng pondo ng gobyerno.
Ayon kay Camarines Sur 2nd District Rep. Migz Villafuerte, pinagsasama-sama na ng House Committee on Information and Communications Technology (ICT), na kanyang pinamumunuan, ang 29 magkakatulad na panukala upang makabuo ng iisang bersyon ng CADENA bill. Nauna nang naipasa ng Senado ang bersyon nito noong Disyembre 2025.
Layunin ng panukala na lumikha ng isang CADENA online portal o Digital Budget Platform kung saan makikita ng publiko ang lahat ng transaksyon kaugnay ng badyet ng gobyerno. Kabilang dito ang mga appropriation, disbursement, procurement, at iba pang gastusin upang mapalakas ang partisipasyon ng mamamayan at maiwasan ang katiwalian.
Sa ilalim ng panukala, obligadong mag-upload ang lahat ng national government agencies (NGAs) at government-owned or controlled corporations (GOCCs) ng mahahalagang dokumento tulad ng:
-National Expenditure Program (NEP)
-General Appropriations Bill (GAB)
-Procurement contracts
-Project costs at bills of materials
-Procurement records
-Audit reports
Ayon kay Villafuerte, titiyakin ng online platform na ang mga datos ay accessible, hindi madaling mabago (tamper-proof), masusubaybayan, at mabeberipika ng publiko.
Ang CADENA bill ay kabilang sa mga prayoridad ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) at isa sa 48 prayoridad na panukala ng administrasyong Marcos.
Ang bersyon ng Senado, o Senate Bill No. 1506, ay pangunahing inakda ni Sen. Bam Aquino. Nakipagpulong si Villafuerte kay Aquino noong Enero at nangakong itutulak ang pagpasa nito sa Kamara.
Nakasaad din sa panukala na maaaring mapatawan ng kasong kriminal at administratibo ang mga opisyal na hindi magsusumite ng kinakailangang dokumento o maglalagay ng maling impormasyon sa sistema.
Saklaw rin ng batas ang mga proyektong pinondohan sa pamamagitan ng public-private partnerships (PPPs) at foreign-assisted programs (FAPs) kung gumagamit ng pampublikong pondo. Hindi sakop ang mga lokal na pamahalaan (LGUs), ngunit hinihikayat silang magpatupad ng katulad na mekanismo para sa transparency at pananagutan.
Kasama rin sa panukala ang pagpapanatili ng data integrity at paggamit ng isang data embassy—isang secure na data storage facility sa labas ng bansa ngunit nasa ilalim ng pagmamay-ari at kontrol ng Pilipinas para sa backup at proteksyon ng mahahalagang fiscal data. RNT/MND