Home NATIONWIDE Pekeng online lending platforms, ibinabala ng SEC

Pekeng online lending platforms, ibinabala ng SEC

3
0

MANILA, Philippines – Pinaigting ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang kampanya laban sa kahina-hinalang online lending activities at nagbabala sa publiko tungkol sa ilang platform na umano’y gumagamit ng pagkakakilanlan ng mga lehitimong kumpanya upang makahikayat ng mga nangungutang.

Sa isang advisory, sinabi ng SEC na ang website na Perasayo.com ay umano’y gumagamit nang walang pahintulot ng pangalan, pagkakakilanlan, at regulatory information ng lehitimong kumpanya na Pera Sayo Lending Inc. upang manghikayat ng loan applicants.

Muli ring nagbabala ang SEC laban sa mga online platform na umano’y ginagamit ang pangalan at tatak ng Tala Financing Philippines Inc. Kabilang dito ang Tala-Cash Loan Philippines, Tala AISI-loan app quickly, Tala Shuk Lending Inc.

Ayon sa SEC, ang mga naturang platform ay iniuugnay sa posibleng phishing, ilegal na pangongolekta ng personal na impormasyon, pangha-harass sa mga borrower, maling paggamit ng consumer data, at mga hindi awtorisadong transaksiyong pinansyal.

Nagbabala rin ang ahensya laban sa Finpine, isang online lending platform na hindi rehistrado. Inakusahan ito ng mapanlinlang na gawain tulad ng awtomatikong pagpapadala ng pautang sa mga consumer at paggamit ng agresibong paraan ng paniningil. Gumagamit din umano ito ng mga logo ng SEC at Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) upang magmukhang lehitimo.

Bukod dito, binigyang-babala rin ng SEC ang publiko laban sa hindi awtorisadong paggamit ng pangalang “Zippeso,” dating online lending platform ng Lendora Lending Corp., kaugnay ng ibang lending operation.

Naglabas din ang SEC ng hiwalay na babala laban sa mga social media page, website, at mobile application na ilegal na gumagamit ng pangalan at impormasyon ng Mabilis Cash Financing Corp.

Hinimok ng SEC ang publiko na tiyaking lehitimo ang isang lending o financing company bago magbahagi ng personal na impormasyon o pumasok sa anumang online loan transaction.

Maaaring i-report ang kahina-hinalang online lending activities, hindi awtorisadong loan transactions, at ilegal na investment schemes sa SEC hotline 1-4732 (1-4SEC) o sa SEC iMessage Portal. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here