MANILA, Philippines – Umabot na sa 553,068 katao o 137,081 pamilya mula sa 401 barangay sa Regions IX, XI, XII, at BARMM ang naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol na tumama malapit sa Maasim, Sarangani noong Hunyo 8, ayon sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Batay sa DSWD-DROMIC Report No. 9, nasa 9,393 katao o 2,131 pamilya ang nananatili sa 26 evacuation centers, habang 54,274 katao o 13,480 pamilya ang pansamantalang nakikitira sa kanilang mga kamag-anak at kaibigan.
Naitala rin ang malaking pinsala sa mga tahanan, kung saan 8,865 bahay ang tuluyang nawasak at 36,691 naman ang bahagyang nasira.
Ayon sa DSWD, umabot na sa P84.26 milyon ang naipamahaging humanitarian assistance mula sa pambansang pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, at iba pang katuwang na ahensya.
Mayroon ding higit P5.16 bilyong nakahandang relief resources, kabilang ang P748.11 milyong Quick Response Fund at mahigit P4.41 bilyong halaga ng pagkain at iba pang relief goods.
Patuloy pa rin ang damage assessment, relief distribution, at pagbibigay ng psychosocial at social protection services sa mga pamilyang naapektuhan habang nagpapatuloy ang mga aftershock sa ilang bahagi ng Mindanao. RNT/MND