Home METRO NAPOLCOM employee, arestado sa panunutok ng baril sa TNVS driver

NAPOLCOM employee, arestado sa panunutok ng baril sa TNVS driver

3
0

MANILA, Philippines – Isang 59-anyos na lalaki na nagpakilalang empleyado ng NAPOLCOM ang inaresto matapos umanong maglabas at manutok ng baril sa isang TNVS driver sa Mandaluyong City noong Biyernes.

Ayon sa TNVS driver na si alias Rene, nagkaroon ng banggaan ang kanilang mga sasakyan sa northbound lane ng EDSA malapit sa Asian Development Bank matapos umano siyang hindi pagbigyan ng suspek na lumipat ng lane. Napansin din umano niyang gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho ang suspek.

Matapos ang banggaan, bumaba umano ang suspek at naglabas ng baril habang tinatakot ang biktima.

Humingi ng tulong ang biktima sa isang pulis sa lugar, dahilan upang maaresto ang suspek at madala sa Mandaluyong City Police Station.

Nakumpiska mula sa kanya ang isang 9mm na baril at isang NAPOLCOM ID. Kasalukuyang bineberipika ng pulisya ang kanyang pagkakakilanlan at legalidad ng baril. Hinihintay rin ang resulta ng breathalyzer test upang malaman kung nakainom siya ng alak nang mangyari ang insidente.

Pinayuhan naman ni Mandaluyong Police chief Police Colonel Reynan Patam ang mga motorista na manatiling kalmado sa kalsada.

“Kailangan maging kalmado lang po tayo. Huwag mainit ang ulo dahil lahat naman po ay nadadaan sa magandang usapan.”

Nanawagan din ang biktima sa NAPOLCOM na disiplinahin ang kanilang mga tauhan.

Noong Sabado, kinondena ni NAPOLCOM Commissioner Rafael Vicente Calinisan ang insidente at kinilalang ang suspek ay si Police Inspector III Jaime Hermogenes Jularbal Flores Jr., na nakatalaga sa Inspection, Monitoring and Investigation Service.

“Bilang tugon, agad kong ipinag-utos ang pagsasagawa ng kaukulang administrative investigation. Kasabay nito, buong suporta ang ibibigay ng NAPOLCOM sa anumang lehitimong imbestigasyon at kasong kriminal na maaaring isampa ng mga awtoridad.”

“Sa ngalan ng NAPOLCOM, humihingi ako ng paumanhin sa TNVS driver na sangkot sa insidente. Hindi katanggap-tanggap ang ganitong asal mula sa isang lingkod-bayan.”

Binigyang-diin ni Calinisan na hindi kukunsintihin ng NAPOLCOM ang anumang uri ng pang-aabuso at pananagutin ang sinumang lalabag sa batas. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here