MANILA, Philippines – Mahigpit na binabantayan ng Pilipinas ang mga aktibidad ng China sa Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal kasunod ng pagkakadiskubre ng isang floating structure sa lugar na pinangangambahang maaaring maging simula ng panibagong okupasyon at militarisasyon.
Ayon kay Armed Forces of the Philippines (AFP) spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, natuto na ang bansa sa naging pamamaraan ng China sa iba pang bahagi ng WPS.
“We have learned our history kung paano nag-o-operate ang Chinese Communist Party. We are keeping a very close eye on developments sa Bajo de Masinloc,” ani Trinidad sa Saturday News Forum sa Quezon City.
Ipinaalala niya na nagsimula rin sa mga simpleng pasilidad gaya ng mga silungan ng mangingisda, plataporma at maliliit na konkretong istruktura ang mga itinayong pasilidad ng China sa Mischief Reef o Panganiban Reef bago ito tuluyang ginawang malawak na artificial island.
“Sinasabi nila na hindi ito mami-militarize, but in 2016, ‘yong unang military aircraft ay nag-land sa Mischief or Panganiban Reef,” aniya.
Binigyang-diin ni Trinidad na malinaw ang direktiba sa AFP na ipagtanggol ang bawat pulgada ng teritoryo ng bansa.
Samantala, sinabi ni University of the Philippines Institute for Maritime Affairs and Law of the Sea Director Jay Batongbacal na kapareho rin ito ng naging hakbang ng China noon sa Fiery Cross Reef bago ito ginawang militarisadong artipisyal na isla.
“Sa ngayon ang sinasabi daw nila ay scientific research daw ang dahilan, pero ang naaalala natin agad kapag sinabi nila iyon ay iyon din ang sinabi nila bago nila kunin ang Fiery Cross Reef at tayuan ng mga permanenteng istruktura,” ani Batongbacal.
Babala pa niya, kayang-kayang gawing isa pang militarisadong pasilidad ng China ang Scarborough Shoal sa loob lamang ng isang taon kung iyon ang layunin nito.
Aniya, hindi dapat pahintulutan ng Pilipinas ang naturang hakbang dahil matatagpuan lamang ang Bajo de Masinloc sa layong 124 nautical miles mula sa Zambales at maaaring magdulot ito ng seryosong banta sa pambansang seguridad.
Iminungkahi naman ni retired Philippine Navy Rear Admiral Rommel Ong ang pagpapatupad ng mga hakbang upang mapigilan ang posibleng pagpapalawak ng presensya ng China sa lugar, kabilang ang pagpapalakas ng pagbabantay sa rutang ginagamit mula Hainan patungong Bajo de Masinloc.
Ayon naman sa Philippine Coast Guard (PCG), nananatili pa ring nasa loob ng Scarborough Shoal ang naturang floating platform at patuloy itong mino-monitor ng mga awtoridad.
Nauna nang naghain ang Department of Foreign Affairs (DFA) ng ilang diplomatic demarche at pormal na protesta laban sa naturang istruktura. RNT/JGC