UNITED STATES – Inanunsyo ni US President Donald Trump na malapit nang pirmahan ang kasunduan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran upang tuluyang wakasan ang digmaan sa Gitnang Silangan.
Sa kanyang post sa Truth Social, sinabi ni Trump na agad ding bubuksan sa lahat ng bansa ang mahalagang Strait of Hormuz matapos mapirmahan ang kasunduan.
“The Deal is scheduled to get signed tomorrow, and immediately after it is signed, the Hormuz Strait is OPEN TO ALL,” ani Trump.
Gayunman, sinabi ni Iranian Foreign Ministry spokesperson Esmaeil Baqaei na wala pang pinal na petsa para sa paglagda ng kasunduan at hindi ito magaganap sa araw na una nang binanggit.
“The possibility of this happening in the coming days cannot be ruled out,” ani Baqaei.
Sa kabila nito, kapwa nagpahayag ng pag-asa ang mga bansang kabilang dito at mga tagapamagitan na malapit nang matapos ang negosasyong naglalayong wakasan ang ilang linggong labanan.
Ayon naman kay Pakistan Prime Minister Shehbaz Sharif, mas malapit na ngayon kaysa dati ang pagkakaroon ng kasunduan.
“With finalisation likely expected in the next 24 hours,” ani Sharif, habang inihahanda umano ng Pakistan ang mga susunod na hakbang kaugnay ng peace agreement. RNT/JGC