Home NATIONWIDE Dalagita ginahasa’t pinatay ng pinsan sa Nueva Vizcaya

Dalagita ginahasa’t pinatay ng pinsan sa Nueva Vizcaya

32
0

KASIBU, Nueva Vizcaya — Halos wala nang saplot pang-ibaba ang pinaniniwalaang ginahasa muna bago pinatay na isang 14-anyos na dalagita, ng kanyang pinsan sa loob ng comfort room ng Information Center Tourism Building sa Barangay Capisaan, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Natagpuan ng pamilya ang biktima na nakahandusay sa sahig, duguan at may nylon belt na nakapulupot sa kanyang leeg at wala nang pang-ibabang kasuotan.

Sa imbestigasyon ng Kasibu Municipal Police Station, alas-6 pa lamang ng umaga ay hinahanap na ng kanyang kapatid na babae ang dalagita.

Bumungad sa kapatid ang biktima sa Information Center Tourism Building na wala umanong bantay noong mga oras na iyon.

Nakita umano ng kapatid ang sapatos ng biktima sa loob ng gusali kaya nagtungo siya sa audio-visual room upang maghanap.

Gayunman, hinarangan umano siya ng kanyang lalaking pinsan na nasa loob at agad na isinara at ikinandado ang pinto.

Muling bumalik ang kapatid ng biktima kasama ang kanilang ina dakong alas-2 ng hapon upang ipagpatuloy ang paghahanap.

Dito na nila natuklasan ang walang buhay na katawan ng dalagita sa comfort room ng nasabing gusali.

Agad silang humingi ng tulong, subalit nahirapan silang makipag-ugnayan dahil walang signal ng cellphone sa lugar at nagkaroon pa ng brownout sa oras ng insidente.

Batay sa pagsusuri ng doktor, ang sanhi ng pagkamatay ng biktima ay asphyxia by strangulation o pagkasakal.

Sa isinagawang hot pursuit operation ng pulisya laban sa isang 17-anyos na lalaki na itinuring na Child in Conflict with the Law (CICL) at pangunahing suspek sa insidente.

Sa tulong ng ama ng suspek, na kapatid ng ina ng biktima, natunton ng mga awtoridad ang menor de edad sa bahay ng kanyang lolo sa Barangay Dine. Ayon sa pulisya, halos tatlong oras na paglalakad ang kinakailangan upang marating ang nasabing lugar.

Pansamantala nasa kustodiya na ng pulisya ang menor de edad kasama ang kanyang mga magulang at mga kinatawan ng Municipal Social Welfare and Development Office (MSWDO) para sa kaukulang imbestigasyon. REY VELASCO

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here