MANILA, Philippines — Patay ang isang 38-anyos na guro matapos umano’y bugbugin at sapilitang painumin ng muriatic acid ng isang 24-anyos na college student sa loob ng isang bahay sa Bacolod City noong Biyernes.
Naaresto ng mga awtoridad ang suspek sa mismong lugar ng insidente matapos umano itong ilang ulit na tangkaing tumakas.
“Pagpasok, may nakita siyang taong may hinihinalang isa pang tao. Hubo’t hubad. Sunog ang [mukha]. Inamin rin niyang binugbog niya muna ito bago pinainom ng muriatic acid,” ayon kay Barangay Alijis Chief Tanod Benedick Isidro.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nagtungo ang suspek sa bahay ng biktima at nakipag-inuman bago naganap ang krimen.
“Nangangailangan siya ng pera at humihiram sa biktima,” ani Bacolod City Police Station 7 Chief PCPT. Jay-R Reyes.
Isa sa mga tinitingnang motibo ng mga imbestigador ang umano’y pagtanggi ng biktima na pautangin ang suspek. Ayon sa pulisya, nasa wastong gulang na ang suspek at may kakayahang malaman ang tama at mali.
Nahaharap na sa kasong murder ang suspek na tumangging magbigay ng pahayag. Nakatakda namang isailalim sa autopsy ang labi ng biktima. Mary Anne Sapico