MANILA, Philippines — Nagdeklara na ng state of calamity ang 14 local government units (LGUs) sa Davao Occidental, Sarangani, at South Cotabato matapos ang magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Mindanao noong Hunyo 8, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Sinabi ni OCD Deputy Administrator Bernardo Alejandro IV na makatutulong ang deklarasyon upang mapabilis ang procurement process ng mga lokal na pamahalaan para agad na makabili ng relief goods at makapagsagawa ng response at recovery interventions.
“Mayroon na po tayong 14 na local government units from Davao Occidental, Sarangani and South Cotabato na nag-declare ng state of calamity,” ani Alejandro.
Dahil sa deklarasyon, ipinatutupad din ang price freeze sa mga pangunahing bilihin sa mga apektadong lugar upang maiwasan ang pagtaas ng presyo ng mga pangunahing pangangailangan.
“And another one po, because of this declaration, mayroon po tayong price freeze na pinapatupad doon sa areas na apektado nitong lindol,” dagdag niya.
Batay sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), umabot na sa 176,186 pamilya o 736,386 indibidwal ang naapektuhan ng lindol habang nasa 65 na ang bilang ng mga nasawi. Naitala rin ang 57,252 nasirang bahay, kabilang ang mahigit 10,000 na tuluyang nawasak.
Ayon kay Alejandro, isa sa pinakamalaking hamon ng pamahalaan ang agarang pagpapatayo muli ng mga nasirang kabahayan at pagtukoy kung ligtas pang manatili ang mga residente sa kanilang mga lugar o kinakailangan nang ilipat batay sa pagsusuri ng Mines and Geosciences Bureau (MGB). Mary Anne Sapico