Home NATIONWIDE Bilang ng nasawi sa lindol sa Sarangani umakyat na sa 65

Bilang ng nasawi sa lindol sa Sarangani umakyat na sa 65

3
0

MANILA, Philippines — Umakyat na sa 65 ang bilang ng mga nasawi sa magnitude 7.8 na lindol na tumama sa karagatan ng Maasim, Sarangani noong Hunyo 8, ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).

Sa pinakahuling ulat ng ahensya, 57 sa mga nasawi ay mula sa Region 12 o Soccsksargen habang walo naman ang mula sa Region 11 o Davao Region. Umabot na rin sa 1,447 ang bilang ng mga nasugatan habang 36 katao ang nananatiling nawawala at sumasailalim pa sa beripikasyon.

Ayon sa NDRRMC, apektado ng lindol ang 176,186 pamilya o 736,386 indibidwal sa 512 barangay sa Regions 9, 11, at 12, gayundin sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM). Nasa 14,161 katao ang nananatili sa mga evacuation center habang mahigit 59,000 iba pa ang tinutulungan sa labas ng mga evacuation site.

Naitala rin ang 57,252 nasirang kabahayan habang nagpapatuloy ang relief at response operations ng pamahalaan.

Tiniyak naman ni Office of Civil Defense (OCD) Administrator Undersecretary Harold Cabreros na magpapatuloy ang tulong ng gobyerno lalo na sa mga matinding naapektuhang lugar gaya ng Glan, General Santos City, at Jose Abad Santos sa Davao Occidental.

Samantala, sinabi ni OCD Deputy Administrator Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV na umabot na sa tinatayang PHP1.13 bilyon ang halaga ng pinsala sa 728 pampubliko at pribadong imprastraktura. Nasa 14 na local government units na rin ang isinailalim sa state of calamity.

Ayon naman sa Armed Forces of the Philippines (AFP), nagtalaga na ito ng 546 personnel at 43 search, rescue, and retrieval teams para tumulong sa relief operations, habang may karagdagang mga tauhan at kagamitan pang nakaantabay para sa mga apektadong lugar. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here