Home HOME BANNER STORY Traditional media, napag-iwanan ng social media sa balita – ulat

Traditional media, napag-iwanan ng social media sa balita – ulat

2
0

MANILA, Philippines – Mas marami na ngayong tao sa buong mundo ang kumukuha ng balita mula sa social media at video platforms kaysa sa tradisyunal na media, ayon sa pinakabagong ulat ng Reuters Institute for the Study of Journalism.

Ayon sa ulat, 54 porsiyento ng mga respondent ang nagsabing nakakuha sila ng balita mula sa social media o video platforms sa nakaraang linggo. Umaabot ito sa 56 porsiyento kapag isinama ang paggamit ng AI chatbots gaya ng ChatGPT.

Mas mataas ito kumpara sa 52 porsiyento para sa telebisyon, 51 porsiyento para sa mga website at app ng pahayagan, at 21 porsiyento para sa radyo.

Tinawag ni Jim Egan, lead author ng ulat, ang 2026 bilang mahalagang yugto sa industriya ng media.

“The year 2026 marks a significant milestone: for the first time, social media and video network consumption is now ahead of other news sources as the most widely used source of news globally,” ani Egan.

Batay ang pag-aaral sa online survey ng halos 100,000 katao sa 48 bansa na isinagawa ng YouGov sa unang bahagi ng taon.

Lumabas din sa ulat na tatlo sa bawat 10 respondent ang nagsabing social media o video platforms ang kanilang pangunahing pinagmumulan ng balita. Sa mga edad 18 hanggang 24, umaabot ito sa kalahati ng mga respondent.

Karamihan sa mga gumagamit ng X at YouTube ay sadyang naghahanap ng balita, habang ang mga gumagamit ng Facebook, Instagram at TikTok ay kadalasang nakakatuklas lamang ng balita habang gumagamit ng mga naturang platform para sa ibang layunin.

Nananatiling pangunahing pinagmumulan ng balita ang telebisyon para lamang sa mga nasa edad 45 pataas.

Ayon sa ulat, nahaharap sa matinding hamon ang tradisyunal na media dahil sa paghina ng kita at pagbabago ng gawi ng mga audience. Tanging 17 porsiyento lamang ng mga respondent ang nagsabing nagbabayad sila para sa online news.

Bumaba rin ang tiwala ng publiko sa media, kung saan 37 porsiyento lamang ang nagsabing nagtitiwala sila sa “most news most of the time,” ang pinakamababang antas na naitala sa survey.

Patuloy ding tumataas ang paggamit ng AI chatbots bilang pinagkukunan ng balita. Sampung porsiyento ng mga respondent ang nagsabing gumagamit sila nito linggu-linggo, mula sa pitong porsiyento noong nakaraang taon.

“How to respond to the rapid development and diffusion of generative AI is the biggest 360-degree challenge for today’s news leaders and policymakers,” ani Egan. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here