Home NATIONWIDE Ilegal na estruktura ng China sa Bajo de Masinloc, kinondena ni Hontiveros

Ilegal na estruktura ng China sa Bajo de Masinloc, kinondena ni Hontiveros

3
0
(via Cesar Morales)

MANILA, Philippines – Kinondena ni Senadora Risa Hontiveros ang umano’y ilegal na paglalagay ng China ng floating platform at communications antenna sa Bajo de Masinloc, at sinabing ipinapakita nito kung gaano kalaking “bully” ang bansa.

“China has yet again violated international law, ignored the Hague Ruling, and showed the world how much of a bully she is,” ani Hontiveros.

Iginiit niya na pag-aari ng Pilipinas ang Bajo de Masinloc kaya walang karapatan ang China na magtayo ng anumang estruktura rito nang walang pahintulot.

Ayon kay Hontiveros, tila may sariling “build build build” program ang China sa mga teritoryong hindi naman nito pag-aari. Aniya, ang hakbang na ito ay bahagi ng lumalalang “gray-zone operations” ng China upang unti-unting palakasin ang presensya nito sa loob ng karagatang sakop ng Pilipinas.

Nauna nang kinumpirma ng National Task Force for the West Philippine Sea at Philippine Coast Guard (PCG) ang paglalagay ng isang 6×6 metrong movable floating platform na pinatatakbo ng mga Chinese national at sinusuportahan ng bagong antenna sa mga kalapit na bato sa lugar.

Tinukoy rin ni Hontiveros ang mga barkong Yue Xia Yu Zhi 20028 at Yue Zhan Yu 6 bilang mga sasakyang nagbibigay ng logistical support sa nasabing instalasyon.

Nanawagan siya sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Transportation (DOTr), at PCG na ilabas ang kumpletong detalye ng rehistro, may-ari, at maritime insurance ng dalawang barko, magsimula ng sanction proceedings laban sa mga responsable, at makipag-ugnayan sa mga bansang ASEAN upang hadlangan ang pagdaong, pag-refuel, at pag-resupply ng mga ito sa rehiyon.

Binigyang-diin din niya na mahalagang sandata ng Pilipinas ang transparency initiative.

“We should name these vessels, expose their owners, and cut off their logistics where able. The Hague ruled in our favor. International law is on our side. What we need now is the political will to enforce it, and the strategic clarity to do so without playing into China’s preferred game of direct confrontation,” sabi ni Hontiveros.

Nanawagan din siya na ipaglaban ang Bajo de Masinloc para sa mga mangingisda at sa lahat ng Pilipinong umaasang maipagtatanggol ang bansa nang mapayapa, may dignidad, at determinasyon. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here