WASHINGTON / TEHRAN – Inanunsyo ni US President Donald Trump na muling makapaglalayag ang mga barko sa Strait of Hormuz at inaasahang magiging ganap na bukas ito pagsapit ng Biyernes matapos magkasundo ang Estados Unidos at Iran upang wakasan ang digmaan sa Gitnang Silangan.
“Ships are starting to move, many loaded up with Oil, out of the Strait of Hormuz,” ani Trump.
Iniulat ng Iranian media na tatlong oil tanker at dalawang cargo ship ang nakadaan na sa lugar.
Matatandaang hinarang ng Iran ang Strait of Hormuz nang magsimula ang digmaan, dahilan upang tumaas ang presyo ng langis sa buong mundo. Bilang tugon, hinarang din ng Estados Unidos ang mga barkong papunta at palabas ng mga pantalan ng Iran.
Ayon sa US, Iran, at tagapamagitan na Pakistan, pipirmahan ang kasunduang pangkapayapaan sa Switzerland sa Biyernes. Gayunman, sinabi ng isang opisyal ng US na pirmado na ito sa elektronikong paraan nina Trump, JD Vance, at Mohammad Bagher Ghalibaf.
Sinabi naman ni Iranian Deputy Foreign Minister Kazem Gharibabadi na ang kasunduan ay nagdulot ng agarang pagtatapos ng digmaan, habang inaasahang magkakaroon pa ng usapan para sa pinal na kasunduan sa loob ng dalawang buwan.
Gayunpaman, nagpahayag ng pag-iingat si Foreign Minister Abbas Araghchi. “We have a history of broken commitments. We have a history of agreements being torn up. All of this is present in our minds,” aniya.
Samantala, hiniling ng Iran sa US na tiyaking ititigil din ng Israel ang mga operasyong militar nito sa Lebanon. Ngunit sinabi ni Israel Prime Minister Benjamin Netanyahu na mananatili ang kanilang mga puwersa sa Lebanon, Syria, at Gaza hangga’t kinakailangan.
Hindi pa malinaw ang lahat ng detalye ng kasunduan, kabilang ang usapin sa programang nukleyar ng Iran at pagpapalaya sa bilyun-bilyong dolyar na nakapirming pondo ng bansa.
Dahil sa balita ng kasunduan, bumagsak nang halos 5 porsiyento ang presyo ng langis at tumaas ang mga pandaigdigang stock market, dahil inaasahang gagaan ang suplay ng enerhiya kapag ganap nang nabuksan muli ang Strait of Hormuz, na dinadaanan ng humigit-kumulang 20 porsiyento ng pandaigdigang kalakalan ng krudo. RNT/MND