BULACAN, Philippines – Arestado ang Provincial Top 1 Most Wanted Person (MWP) sa Occidental Mindoro sa isinagawang warrant operation ng mga awtoridad sa bayan ng San Ildefonso nitong umaga ng Hunyo 14.
Sa ulat ni PLTCOL Gilmore A. Wasin, hepe ng San Ildefonso police station, kinilala ang akusado na si alyas “Sam”, 38, residente ng Purok Niyayos 2, Brgy. Poblacion, Calintaan, Occidental, Mindoro.
Ayon sa ulat, isinilbi sa akusado ng tracker team ng San Ildefonso police sa pakikipag-ugnayan sa Calintaan police station ng Occidental Mindoro Police Provincial Office bandang 11::30 ng umaga sa Brgy. Poblacion, San Ildefonso ang Warrant of Arrest (WOA) sa kasong Sexual Assault.
Nabatid na ang WOA ay inilabas noong Abril 6, 2026 ng Regional Trial Court, Branch 45, Fourth Judicial Region, San Jose, Occidental Mindoro na may piyansang P200,000.
Sinasabing ipinaalam sa akusado ang kanyang mga karapatang naaayon sa saligang batas habang gumamit din ng body-worn cameras ang mga awtoridad.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng San Ildefonso polica station ang akusado para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon bago iharap sa hukuman na naglabas ng warrant.
Patuloy umanong paiigtingin ng Bulacan police ang kampanya laban sa mga wanted na personalidad upang matiyak na mananagot ang mga lumabag sa batas at mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong lalawigan. (Dick Mirasol III)