Home METRO Libreng sapatos, school supplies ipinamahagi sa Daycare students sa Gapan

Libreng sapatos, school supplies ipinamahagi sa Daycare students sa Gapan

1
0

NUEVA ECIJA, Philippines – Tinatayang 1500 mag-aaral sa daycare o childhood development center sa Gapan City ang nabigyan ng libreng sapatos, payong at iba pang gamit pang-eskuwela.

Ang mga estudyante kasama ang kani-kanilang mga magulang ay pumila sa convention center at nag-enjoy sa mga palaro mula sa local government unit.

Nais ng LGU na matulungan ang mga magulang na mabawasan ang mga gastusin para sa mga gamit pang-eskuwela ng mga mag-aaral taon taon.

“Alam nyo ang gusto ko po kasi sa classroom, ang pakiramdam ng isang estudyante pantay-pantay ‘di po ba? Masarap mag-aral nang iisa lang po yung gamit, bakit? Kasi hindi mo iisipin na may mayaman, may mahirap sa classroom. Bakit hindi mo iisipin ‘yan pag estudyante ka? Kasi magkakamukha lang po yung gamit ‘di po ba?” ang sabi ni Mayor Emary “Joy” Pascual ng  Gapan City.

Laking pasalamat naman ng mga magulang sa LGU sa kanilang mga natanggap na gamit pang- eskuwela, lalo’t may iba pang mga anak na nag-aaral.

Malaking tulong anila ang mga sapatos, payong, bag, notebook, at lunch box na may kasama pang mga juice at tinapay.

Nangako naman ang LGU na sisikaping sa susunod na taon ay magkaroon na rin ng libreng uniporme ang mga mag-aaral sa daycare.

“Sa susunod na taon, bukod po sa kumpletong bag, eh may gamit, may lunch bag, may pagkain, may sapatos, may tatlong pares na medyas. Pangako namin sa inyo, may kasama nang libreng uniform para sa mga mag-aaral ng Gapan,” pahabol ni Mayor Pacual. (MARINA BERNARDINO-SY)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here