BULACAN, Philippines – Arestado ng mga awtoridad ang lalaking tumangay umano ng motorsiklong gamit sa pagbebenta ng malunggay pandesal sa bayan ng Bulakan nitong madaling araw ng Hunyo 16.
Sa ulat ni Kapitana Osang Lava Gamboa ng Brgy. Tibig, naganap ang insidente ng bandang 1:14 ng madaling araw sa harap ng malunggay pandesalan sa Brgy. Tibig.
Ayon sa ulat, narinig ng may-ari at mga tauhan ang pagpapaandar ng motorsiklo kaya agad silang lumabas at nadiskubreng tinangay na ito ng hindi nakilalang lalaki.
Dahil dito, humingi sila ng tulong sa Brgy. Kagawad na malapit sa lugar, mga naka-duty na Brgy. Tanod at Bulakan police station na rumesponde sa lugar.
Sa tulong ng CCTV footage ay nasakote ng mga awtoridad sa Purok 4, Libo, Brgy. Tibig ang lalaki na si alyas “Wendell”, residente ng bayan ng Pandi.
Sinasabing ang suspek na pinaghihinalaang na sa impluwensa ng iligal na droga ay posibleng sangkot din sa ilang kaso ng pagnanakaw dahil natagpuan sa kanyang bag ang iba’t ibang ID, mga dokumento ng rehistro ng motorsiklo at mga susi.
Nabatid na nakipag-ugnayan na ang mga awtoridad sa may-ari ng mga dokumentong ito at nakumpirmang nabiktima ng pagnanakaw ng motorsiklo noong Hunyo 12.
Nahaharap ang suspek sa kaukulang kaso habang nakakulong sa nasabing istasyon ng pulisya. (Dick Mirasol III)







