MANILA, Philippines – Hindi na magiging senator-judge sa araw at preso sa gabi si Senador Jinggoy Estrada sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte dahil sinuspinde siya ng Sandiganbayan sa loob ng 90 araw, ayon kay Senador Panfilo Lacson
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na wala nang mas lilinaw pa na hindi maaaring lumahok si Estrada sa impeachment trial sa loob ng 90 araw sanhi ng ipinataw na preventive suspension order ng Sandiganbayan.
Inihayag ito ni Lacson matapos iutos ng anti-graft court ang “suspension pendente lite” ni Estrada mula sa kanyang kasalukuyang pwesto bilang senador at sa anumang iba pang pampublikong posisyon na kasalukuyan niyang hawak o maaari pa niyang hawakan sa hinaharap, kaugnay ng mga kasong nag-ugat sa flood control scandal.
“The Sandiganbayan today hereby ‘ORDERS the suspension pendente lite of accused Sen Jose “Jinggoy” Ejercito P. Estrada from his present position as Senator of the Republic of the Philippines AND ANY OTHER PUBLIC OFFFICE THAT HE MAY OR HEREAFTER BE HOLDING FOR A PERIOD OF NINETY (90) DAYS…’ Nothing can be clearer than this. Sen Jinggoy CANNOT participate in the impeachment trial of VP Sara Duterte for a period of 90 days,” ani Lacson sa isang post sa X.
Iniutos ng Sandiganbayan nitong Martes ang 90-araw na preventive suspension ni Estrada, na nahaharap sa mga kasong plunder at graft kaugnay ng kontrobersiya sa flood control.
Nag-convene na ang Senado bilang isang Impeachment Court upang dinggin ang kaso laban kay Vice President Duterte. Noong Lunes, isinumite ng House of Representatives at ng kampo ng Bise Presidente ang kani-kanilang pre-trial briefs sa Impeachment Court.
Inisyal na itinakda ng Impeachment Court ang pagsisimula ng mismong paglilitis sa Hulyo 6. Ernie Reyes