MANILA, Philippines – Ipinahayag ng Department of Agriculture (DA) nitong Martes ang pagiging positibo sa kasunduan ng United States at Iran na layong tapusin ang digmaan, dahil maaari umano nitong mapababa ang presyo ng pagkain at inflation sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., makakatulong ang muling pagbubukas ng Strait of Hormuz—isang mahalagang ruta ng pagdadala ng langis at kalakal sa mundo—sa pagbawas ng gastos sa produksyon at transportasyon ng mga produktong agrikultura.
“The reopening of the Strait of Hormuz will greatly help reduce the cost of inputs in the production and transport of agricultural commodities…” sabi niya.
Dagdag niya, makakatulong ito lalo na sa paghahanda sa bagong rice planting season at sa pagharap sa posibleng epekto ng El Niño.
Sinabi rin ng DA na dati na silang naghanda para sa “worst-case scenario” kung saan nananatiling sarado ang naturang daluyan, na maaaring magdulot ng mas mataas na presyo ng pagkain at mas mababang ani ng mga magsasaka.
Sa muling pagbubukas ng ruta, inaasahan din ang mas maayos na daloy ng kalakalan ng Pilipinas sa Middle East, na mahalagang merkado ng mga produktong agrikultural tulad ng saging, pinya, de-lata, at iba pang pagkain.
Ayon sa DA, ang development na ito ay hindi lang tungkol sa murang langis kundi pati sa pagpapalakas ng supply ng pagkain at pag-stabilize ng presyo sa merkado. RNT/MND