Home NATIONWIDE Witnesses sa impeachment trial ni VP Sara, 57 na – Luistro

Witnesses sa impeachment trial ni VP Sara, 57 na – Luistro

3
0

MANILA, Philippines – Pinalawak ng House prosecution panel ang listahan ng mga posibleng testigo mula 25 hanggang 57 para sa nalalapit na impeachment trial ni Vice President Sara Duterte upang matiyak na maipaprisinta sa Senado ang lahat ng mahalagang ebidensya.

Ayon kay lead prosecutor at Batangas 2nd District Rep. Gerville “Jinky Bitrics” Luistro, ginawa ito upang masunod ang mga patakaran sa impeachment na nag-aatas na maitala at maiprisinta sa pre-trial ang lahat ng testigo at dokumentaryong ebidensya na gagamitin sa paglilitis.

“We became very conscious about the rule that witnesses and exhibits which are not marked or presented during pre-trial cannot be presented during trial. Ibig sabihin, nagsigurado na kami,” ani Luistro sa isang panayam sa radyo.

Sinabi niya na isinama ng prosecution panel sa pre-trial brief na isinumite sa Senate impeachment court noong Lunes ang lahat ng posibleng testigo at ebidensyang may kaugnayan sa apat na Articles of Impeachment.

“As to the number of witnesses, the final number is 57,” ani Luistro.

Ayon pa sa kanya, lumaki ang bilang ng mga testigo matapos magpasya ang prosecution na isama ang lahat ng testigo at dokumentong maaaring may kaugnayan sa kaso.

“So, we included every piece of evidence na alam namin may relevance whatsoever dito sa impeachment, Articles of Impeachment,” dagdag niya.

Gayunman, sinabi ni Luistro na hindi pa napagpapasyahan kung ilan sa 57 testigo ang aktuwal na haharap sa paglilitis na nakatakdang magsimula sa Hulyo 6.

Aniya, pinakamaraming testigo ang kaugnay ng artikulo tungkol sa umano’y maling paggamit ng confidential funds dahil sa dami ng mga dokumentong kailangang kilalanin at patunayan sa korte.

Isinumite ng House prosecution panel ang 57-pahinang pre-trial brief bago ang nakatakdang pre-trial conference sa Hunyo 18. Kabilang sa mga reklamong nakasaad laban kay Duterte ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, panunuhol at pagbabanta laban sa matataas na opisyal ng pamahalaan. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here