MANILA, Philippines – Isinama ni Vice President Sara Duterte sina dating senador Antonio Trillanes IV at Ramil Madriaga sa mga posibleng testigong ihaharap ng depensa sa nalalapit niyang impeachment trial, ayon sa pre-trial brief na isinumite sa Senate impeachment court noong Hunyo 15.
Ayon sa depensa, layunin ng mga testigo na “disprove the allegations in the Articles of Impeachment” at patunayang pawang konklusyon lamang ng batas at mga pangyayari ang mga alegasyon laban sa Bise Presidente. Iginiit din ng depensa na nasa prosekusyon ang obligasyong patunayan ang kanilang mga paratang.
Bukod kina Trillanes at Madriaga, kabilang sa listahan ng mga testigo ang mga opisyal at kinatawan mula sa Office of the Ombudsman, National Bureau of Investigation (NBI), Commission on Audit (COA), Department of Budget and Management, Anti-Money Laundering Council (AMLC), Department of Education, Office of the Vice President, Office of the President, at iba pang ahensya ng pamahalaan. Nasa listahan rin ang mga forensic accountant, expert witnesses, media representatives, at mga lumagda sa mga dokumentong maaaring iharap sa paglilitis.
Nakasaad sa Articles of Impeachment na inaprubahan ng Kamara ang mga paratang laban kay Duterte kabilang ang culpable violation of the Constitution, graft and corruption, betrayal of public trust, bribery, at iba pang matataas na krimen. Kabilang sa mga alegasyon ang umano’y maling paggamit ng confidential funds, hindi maipaliwanag na yaman, hindi ganap na pagdedeklara ng mga ari-arian sa SALN, hindi pag-divest ng mga negosyo, umano’y pagbibigay ng pera sa mga opisyal ng DepEd, at umano’y pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Nakalaan din sa depensa ang karapatang magharap ng karagdagang ebidensya upang pabulaanan ang anumang testimonya, dokumento, o iba pang ebidensyang ihaharap ng prosekusyon sa takbo ng impeachment trial. Santi Celario