Home NATIONWIDE Antas ng tubig sa Angat Dam patuloy na bumababa sa kabila ng...

Antas ng tubig sa Angat Dam patuloy na bumababa sa kabila ng mga pag-ulan

3
0

BULACAN — Patuloy na bumababa ang lebel ng tubig sa Angat Dam sa kabila ng mga pag-ulan nitong mga nakaraang araw at nananatiling mababa sa minimum operating level nito, ayon sa Provincial Disaster Risk Reduction Management Office (PDRRMO).

Batay sa pinakahuling monitoring, nasa 167.48 metro ang water level ng Angat Dam alas-10 ng umaga noong Hunyo 15, mas mababa kumpara sa 171.14 metro noong Hunyo 6, 170.58 metro noong Hunyo 7, at 169.86 metro noong Hunyo 9. Ang minimum operating level ng dam ay 180 metro.

Samantala, nanatili sa ideal level na 100.01 metro ang Ipo Dam habang nasa 14.73 metro naman ang Bustos Dam, mas mababa sa spilling level nitong 17.70 metro.

Ayon kay Bro. Martin Francisco, chairperson ng Sagip Sierra Madre Ecclesial Community Association Inc. (SSMECAI), posibleng dulot ito ng nagpapatuloy na Super El Niño na nagreresulta sa kakulangan ng ulan sa watershed ng Angat.

Nagtataka naman ang mga residente kung bakit hindi nakatulong sa pagtaas ng tubig sa dam ang malalakas na pag-ulan sa Bulacan, kabilang ang ulan noong Hunyo 13 na nagpaapaw sa Marilao River at pansamantalang nagpalikas ng ilang pamilya.

May mga pangamba rin sa kalagayan ng kagubatan sa watershed dahil sa hinalang ilegal na pagtotroso na maaaring nakaapekto sa kakayahan nitong mag-ipon ng tubig.

Kinumpirma ni PDRRMO executive officer Manuel Lukban Jr. na nananatiling mababa sa operating threshold ang water level ng Angat Dam sa kabila ng mga pagbaha sa ilang lugar. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here