Home NATIONWIDE DepEd aayuda sa mga biktima ng Cavite school stabbing incident

DepEd aayuda sa mga biktima ng Cavite school stabbing incident

1
0

MANILA, Philippines — Nangako ang Department of Education (DepEd) na magbibigay ng suporta at kaukulang tulong sa mga mag-aaral na naapektuhan ng insidente sa isang pribadong paaralan sa General Trias City, Cavite na ikinasugat ng ilang estudyante.

Sa pahayag nitong Miyerkules, sinabi ng DepEd na nakikipag-ugnayan ito sa mga opisyal ng paaralan at iba pang ahensya ng pamahalaan upang matiyak na mabibigyan ng kinakailangang tulong at interbensyon ang mga apektadong mag-aaral.

“We are closely coordinating with school authorities and relevant government agencies to ensure that the affected learners receive the necessary support, assistance, and appropriate interventions,” ayon sa DepEd.

Batay sa pahayag ni General Trias City Mayor Luis “Jon-Jon” Ferrer IV, pitong Grade 5 students ang nasugatan matapos silang umano’y saksakin ng isang Grade 8 student gamit ang kitchen knife sa loob ng isang paaralan sa Barangay Sta. Clara noong Martes.

Agad umanong nagtungo sa lugar ang mga kinatawan ng pulisya, city social welfare office, at DepEd upang tiyakin ang agarang pagtugon at magsagawa ng imbestigasyon.

Sinuspinde rin ang mga klase bilang bahagi ng standard operating procedures.

Ayon sa DepEd, nakaantabay ang mga regional at division offices nito upang magbigay ng karagdagang tulong kung kinakailangan.

Nanawagan din ang ahensya sa publiko na igalang ang privacy, dignidad, at karapatan ng mga menor de edad na sangkot sa insidente at iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

“As the matter involves minors, we urge the public to respect the privacy, dignity, and rights of all children involved and to refrain from spreading unverified information,” ayon sa DepEd.

“We likewise ask everyone to allow the proper authorities to conduct a thorough and impartial investigation,” dagdag nito.

Muling iginiit ng DepEd na kabilang sa pangunahing prayoridad nito ang kaligtasan, kapakanan, at mental health ng mga mag-aaral, kasabay ng pangakong panatilihing ligtas at maayos ang kapaligiran sa mga paaralan.

Wala nang inilabas na karagdagang detalye ang ahensya dahil sa nagpapatuloy na imbestigasyon at dahil mga menor de edad ang sangkot sa insidente. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here