MANILA, Philippines — Sinabi ni detained Sen. Jinggoy Estrada na handa siyang gamitin ang lahat ng legal na remedyo matapos maglabas ang Sandiganbayan ng 90-araw na preventive suspension laban sa kanya kaugnay ng mga kasong may kaugnayan sa umano’y anomalya sa mga flood control project.
Sa isang pahayag nitong Miyerkules, sinabi ni Estrada na bukas siya sa lahat ng hakbang na pinapahintulutan ng batas kasunod ng utos ng anti-graft court.
“At this stage, I remain open to availing myself of all legal remedies under the law,” ani Estrada.
Binigyang-diin niya na hindi niya gagamitin ang kanyang posisyon bilang senador upang maprotektahan ang sarili laban sa mga akusasyon.
“Even prior to the issuance of the Sandiganbayan’s Order today, I have already taken clear and deliberate steps to demonstrate that I will not, and will never, use the powers and privileges of my office to shield myself from the allegations being hurled against me,” aniya.
Ayon kay Estrada, ginawa niya ang mga hakbang upang maipakita ang kanyang paggalang sa due process at upang malinis ang kanyang pangalan sa tamang proseso.
“Ayokong mabigyan ng anumang bahid ng pagdududa ang aking layunin na igalang ang proseso at patunayan ang aking sarili sa tamang forum,” ani niya.
“Ginawa ko ang mga hakbang na ito dahil sa paninindigan at prinsipyo.”
Nahaharap si Estrada sa kasong graft kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa kontrobersiya sa mga flood control project. May hiwalay din siyang mga kasong plunder at graft sa Sandiganbayan Fifth Division na may kaugnayan sa umano’y katiwalian sa pagpapatupad ng mga flood control project.
Bukod dito, nahaharap din ang senador sa 11 kaso ng graft kaugnay ng umano’y maling paggamit ng kanyang Priority Development Assistance Fund (PDAF), na nakabinbin pa mula noong 2014. RNT