MANILA, Philippines — Tumaas ang bilang ng mga Pilipinong adult at kabataang may obesity noong 2025, ayon sa pinakabagong survey ng Department of Science and Technology-Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI).
Batay sa 2025 Updating of the Nutritional Status of Filipino Children and Other Population Groups, umakyat sa 44.5 porsiyento ang obesity rate ng mga nasa edad 20 hanggang 59 mula sa 39.8 porsiyento noong 2023.
Mas mataas ang kaso ng obesity sa mga kababaihan (50.1%), mga naninirahan sa urban areas (48.3%), at mga kabilang sa mayayamang pamilya (57.8%). Pinakamataas ang naitalang prevalence sa National Capital Region (52.7%), sinundan ng Cordillera Administrative Region (50.6%) at Central Luzon (49.6%).
Ipinakita rin ng survey na dalawa sa bawat sampung adultong Pilipino ang overweight, habang isa sa bawat sampu ang may chronic energy deficiency o kakulangan sa enerhiya dulot ng matagal na kakulangan sa nutrisyon, na mas karaniwan sa mga lalaki.
Ayon sa DOST-FNRI, maaaring maiugnay ang obesity at overweight sa mga salik gaya ng paninigarilyo, pag-inom ng alak, kakulangan sa pisikal na aktibidad, at mataas na blood pressure.
Samantala, tumaas din ang obesity rate ng mga kabataang edad 10 hanggang 19 mula 12.5 porsiyento noong 2023 tungo sa 15.6 porsiyento noong 2025, o katumbas ng isa sa bawat anim na kabataan.
Mas mataas ang kaso ng obesity sa mga lalaking kabataan (16.7%), mga nakatira sa urban areas (18%), at mga mula sa mayayamang pamilya (28.3%). Nanguna ang Central Luzon sa may pinakamataas na prevalence na 23.4 porsiyento, kasunod ang National Capital Region (21.3%), Cordillera Administrative Region (19.7%), at Ilocos Region (19.1%).
Bumaba naman ang wasting o matinding pagkapayat mula 11.5 porsiyento noong 2023 sa 9.6 porsiyento noong 2025, habang nanatiling halos hindi nagbago ang stunting sa 21.4 porsiyento.
Pinakamataas ang wasting sa MIMAROPA (12.8%) at Bicol Region (12.6%), habang mas mataas ang kaso ng stunting sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), Negros Island Region, Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN, MIMAROPA, Caraga, at Northern Mindanao.
Ipinakita rin ng survey na 5.4 porsiyento ng mga kabataan ang naninigarilyo, 9.1 porsiyento ang umiinom ng alak, at 77.5 porsiyento ang hindi sapat ang pisikal na aktibidad.
Isinagawa ang survey mula Abril 2025 hanggang Marso 2026 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 118 lugar sa bansa na may average na 384 sample households bawat lugar. Santi Celario