Home NATIONWIDE Presyo ng langis, patuloy na bumababa sa US at Iran peace deal

Presyo ng langis, patuloy na bumababa sa US at Iran peace deal

3
0

MANILA, Philippines — Patuloy ang pagbaba ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado sa ikalawang araw ng kalakalan matapos ang kasunduang pangkapayapaan sa pagitan ng Estados Unidos at Iran, na nagbubukas ng posibilidad ng panibagong rollback sa presyo ng produktong petrolyo.

Batay sa monitoring ng industriya, nananatiling pababa ang presyo ng lahat ng produktong petrolyo, kung saan inaasahang bababa ng P9 kada litro ang diesel, P5.50 kada litro ang gasolina, at P10 kada litro ang kerosene.

Bumagsak din ng mahigit 10 porsiyento ang presyo ng krudo ngayong linggo dahil sa optimismo na magkakaroon ng pangmatagalang kasunduan ang Washington at Tehran matapos ang mahigit tatlong buwang sigalot na nagdulot ng pangamba sa energy markets at muling nagpasiklab ng inflation concerns.

Lalo pang bumilis ang pagbaba ng presyo matapos lumabas ang ulat na maaaring luwagan ng Estados Unidos ang sanctions laban sa Iranian crude bilang bahagi ng peace deal, na magbibigay-daan sa Iran upang muling makapagbenta ng krudo at refined petroleum products sa pandaigdigang merkado.

Nakatutok ngayon ang merkado sa pormal na paglagda ng kasunduan sa Switzerland sa Biyernes at sa mga susunod na negosasyon kaugnay ng nuclear program ng Iran at pag-alis ng international economic sanctions.

Nauna nang sinabi ni US President Donald Trump na magiging “completely open” ang Strait of Hormuz, isa sa pinakamahalagang ruta ng pagdaan ng langis sa buong mundo, kapag tuluyang naisakatuparan ang kasunduan.

Ayon sa mga source sa industriya, maaari pang magpatuloy ang pagbaba ng presyo ng langis kung matutuloy ang paglagda sa peace agreement.

Samantala, sinabi ng Meralco na posibleng magdulot ng mas mababang singil sa kuryente ang pagbaba ng presyo ng fuel ngunit hindi ito agad mararamdaman ng mga konsyumer.

Paliwanag ng kumpanya, ginagamit pa ng mga planta ng kuryente ang mga naunang stock ng fuel na nabili sa mas mataas na presyo. Kapag naiproseso na ang mas murang suplay ng natural gas, coal, at diesel, maaari ring bumaba ang gastos sa power generation.

Hinikayat din ng Meralco ang mga konsyumer na matutong magbasa ng kanilang electric meter upang masubaybayan ang konsumo at matiyak ang tamang billing bawat buwan. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here