MANILA, Philippines – Binatikos ni Sen. Panfilo “Ping” M. Lacson nitong Huwebes ang ego-driven na pagkilos ni Sen. Rodante Marcoleta sa pagdinig ng Commission on Appointments (CA) nitong Miyerkules sa kumpirmasyon ng ilang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at foreign service.
Tinuligsa ni Lacson ang pagtutol ni Marcoleta sa kanyang manifestation na humihiling ng agarang kumpirmasyon sa mga promosyon ng mga opisyal ng AFP at foreign service officers – at ang pagpayag nitong bawiin ang kanyang pagtutol kung babawiin din ni Lacson ang kanyang manifestation.
“Gusto niya, hindi raw siya mag-object, basta i-withdraw ko rin ang manifestation (ko). Ano siya, hilo? Ang gusto niya, ego yan eh. Para naman pakita niya na in-admit ko mali ang aking manifestation. Pinag-withdraw niya ako. Sabi ko, ano siya hilo? Di ko gagawin yan, ego lang yan. Hindi ako mag-play sa ego niya,” aniya sa panayam sa DZBB radio.
“Kilala naman natin siya. Basta maipilit ang kanya, yan ang tama. Ayaw niya makinig ng explanation, ayaw niya makinig ng reason,” dagdag niya.
Sa pagdinig ng CA noong Miyerkules, naghain si Lacson ng manifestation na agarang aksyunan ng CA ang kumpirmasyon ng mga opisyal ng militar at foreign service officers, dahil ang pagkaantala ay dulot ng sigalot sa liderato ng Senado ay hindi naman nila kasalanan.
Ngunit iginiit ni Marcoleta na itinuturing na bypassed ang mga apektadong opisyal ng AFP dahil hindi nila natugunan ang one-year rule, o ang rekisito na may hindi bababa sa isang taon pa bago sila umabot sa edad ng pagreretiro.
Itinuro naman ni Lacson na ang special session ng CA ay pagpapatuloy lamang ng unang regular na sesyon at hindi maituturing na isang bagong regular na sesyon, taliwas sa iginigiit ni Marcoleta.
Naalala rin ni Lacson na nang kausapin ni Sen. Juan Miguel Zubiri si Marcoleta upang kumbinsihin itong bawiin ang kanyang pagtutol, sinabi ni Marcoleta na hindi siya tututol kung babawiin ni Lacson ang kanyang manifestation.
Sinabi rin ni Lacson na bagama’t nababahala siya na baka gamitin ni Marcoleta ang Section 20, na nagpapahintulot sa isang miyembro ng CA na mag-isang magpatigil sa pagtalakay o kumpirmasyon ng isang nominado o appointee, lumabas sa pagsusuri ng mga tuntunin ng CA na hindi maaaring gamitin ang naturang probisyon sa huling araw ng sesyon.
“Sabi ko, e go na tayo, tuloy na natin ito. Siguro napagtanton niya rin na hindi uubra ang Section 20, hindi na rin siya nag-object, nag-manifest siya pa nga na support,” aniya.
“Pero bakit mong guluhin? E, minamadali na nga, ala-una pasado na, hindi pa kami lunch. Kasi nakita ko nag lunch na siya sa lounge eh, busog na siya,” dagdag niya. Ernie Reyes