MANILA, Philippines – Nagbabala ang United Nations special rapporteur on freedom of opinion and expression na si Irene Khan na mabilis na lumiliit ang espasyo para sa kalayaan sa pagpapahayag sa maraming bansa dahil sa papel ng mga gobyerno, malalaking kumpanya ng teknolohiya, at artificial intelligence.
Sa kanyang huling ulat sa United Nations Human Rights Council sa Geneva, sinabi ni Khan na ang kalayaan sa opinyon at pamamahayag ay “privatized, monetized, manipulated, and unlawfully restricted.”
Ayon sa kanya, nagiging dahilan din ng paghina ng kalayaang ito ang pag-uugnay ng interes ng estado at malalaking korporasyon, kung saan ginagamit ang kapangyarihang politikal at ekonomiko upang maimpluwensyahan ang regulasyon ng AI at digital platforms.
Binatikos din niya ang sobrang kapangyarihan ng malalaking tech companies, na aniya ay may impluwensyang higit pa sa maraming gobyerno at walang sapat na pananagutan sa publiko.
“AI is running amok,” babala niya, at iginiit na ang mabilis na pag-unlad ng teknolohiya na walang malinaw na regulasyon ay nagdudulot ng panganib sa lipunan, kabilang ang pagkalat ng hate speech, maling impormasyon, at online violence.
Dagdag pa niya, naaapektuhan din ang mga mamamahayag, kababaihan, at kabataan dahil sa online abuse at pagkasira ng kalidad ng impormasyon sa internet.
Binatikos din niya ang paggamit ng ilang bansa ng mga batas kontra-terorismo at iba pang kriminal na batas upang supilin ang dissent at mapayapang protesta. RNT/MND